Batang magtatapos sa elementarya, patay sa sunog

Karren Canon, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 11:55 AM

TABACO CITY, Albay – Sunog na ang buong katawan ng isang 11-anyos na bata nang matagpuan sa loob ng kanilang nasunog na bahay sa Barangay Oras, Huwebes ng gabi.

Magtatapos na sana sa elementarya sa susunod na buwan ang biktima.

Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), tulog at mag-isa lang sa bahay ang bata nang sumiklab ang apoy.

Fire out na umano nang dumating sila sa lugar dahil nagtulong-tulong na ang mga residente sa barangay sa pagapula ng apoy. Hindi lang alam ng mga residente na may bata sa loob ng bahay.

Natunaw na kandila na nakalagay sa plastic bowl ang sanhi umano ng sunog, ayon sa BFP.

Aminado naman ang ama ng bata na si Jay Corporal na iniwan niya ang anak kagabi. Umalis din ang isa niya pang menor de edad na anak na lalaki ng mga oras na yun para manood ng basketball sa barangay.

Sa kaniya naiwan ang 2 niyang anak matapos na makipaghiwalay ang asawa isang taon na ang nakaraan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.