ALAMIN: Ano ang national ID system

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 07:20 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Sa kasalukuyan, maraming ID o identification card ang kinakailangan para sa mga serbisyo ng gobyerno.

Ngunit magbabago na umano ito kapag naisabatas ang panukalang national identification system sa bansa, ayon sa isang abogado.

"Simple lang 'yung gustong gawin ng batas na ito, magbigay ng isang ID o isang pagkakakilalan para sa lahat ng mamamayan," sinabi ni Atty. Noel del Prado sa programang 'Usapang de Campanilla' nitong Huwebes.

Sa pamamagitan aniya ng ID na ito, maaari nang makuha ang serbisyo ng iba't-ibang ahensiya ng gobyerno.

"Ipinapanukala itong batas na ito para 'yung nag-iisang unified, multi-agency, at multi-purpose ID ay sapat na para sa lahat ng ahensiya ng gobyerno," ani Del Prado.

Bukod sa mas madaling pagkuha ng serbisyo ng gobyerno, makakatulong din aniya ang national ID sa bansa lalo na kapag may kalamidad. 

"Halimbawa, di ba lagi tayong binabagyo, at karaniwang reklamo 'yung mga kumukuha ng relief goods, minsan 'di mo na alam, nadodoble ka ng bigay sa mga tao. Kung merong national ID, maiiwasan 'yang pagdodoble-doble," sinabi ng abogado.

Mas masisiguro rin aniya ang pagiging inosente ng isang tao sa krimen dahil mayroong sariling common reference number at biometrics ang national ID.

"Kasi yung national ID, kasama 'yung biometrics, walang dalawang taong magkapareho ng thumb print, imprenta ng mata, itsura, o lahat ng detalye ng pagkatao," paliwanag ni Del Prado.

Ngunit may mga tutol din umano sa panukalang ito.

"Isa din 'yan sa takot dito, kasi 'yung ID na 'yan, maituturing na susi sa maraming bagay... kung ma-hack o manakaw 'yung ID, ibig sabihin, 'yung benepisyo na para sa 'yo ay mananakaw," ani Del Prado.

May mga batas naman aniya na naglalayong mapangalagaan ang mga personal at sensitibong impormasyon tulad ng Data Privacy Act.

Sa ngayon ay lusot na sa Kamara at Senado ang panukalang national ID.

Ayon kay Del Prado, maaari nang magpulong ang dalawang kapulungan para matalakay ang nakasalang na batas.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.