2 timbog sa buy-bust sa Davao; P1.4-M halaga ng shabu nasamsam

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2018 09:22 AM | Updated as of Dec 15 2018 08:51 AM

Nakuha ng awtoridad ang tinatayang P1.4-milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang arestadong suspek sa Davao City. Photo courtesy of the Sta. Ana Police

DAVAO CITY – Dalawang lalaki, kabilang ang isa umanong miyembro ng Moro National Liberation Front, ang arestado sa buy-bust operation sa isang motel sa Cabaguio Street, Agdao, Huwebes ng hapon.

Narekober ng Sta. Ana Police at Philippine Drug Enforcement Agency XI mula sa dalawang suspek ang isang malaking sachet at apat na medium-sized plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1.4 milyon at buy-bust money na P40,000.

Nakuha rin sa isa sa mga suspek ang ID na nagpapakilalang miyembro siya ng MNLF.

Sa imbestigasyon ng Sta. Ana Police, hindi kabilang sa drug watchlist ang mga suspek pero meron umano itong contacts sa Davao City na kanilang binabagsakan ng ilegal na droga.

Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa ibang police stations, lalo na sa Tagum City, kung meron bang record sa kanila ang mga suspek.

Sa Lanao del Sur diumano ang kanilang source ng mga shabu.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.