Klase sa Manila Science High School, suspendido dahil sa mercury spill

Dennis Datu, DZMM

Posted at Mar 23 2017 01:19 PM | Updated as of Mar 24 2017 02:19 AM

(2nd UPDATE) Sinuspinde ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang klase sa Manila Science High School sa Taft Avenue simula ngayong Huwebes dahil sa pagkakatapon ng nakakalasong kemikal na mercury sa isang silid-aralan.

Nilinaw ng pamunuan ng Manila Science High School ang naunang report ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kung saan sinabi ng ahensya na lima ang naapektuhan sa chemical spill. 

Ayon sa pamunuan ng Manila Science, apat lang na-expose sa Mercury. Dalawa sa kanila ay mga guro at dalawa ang estudyante.

Wala rin daw dinala sa ospital at lahat ay nakakauwi na sa kanilang mga bahay. 

Agad namang na-isolate ng mga bumbero ang mercury na kanilang inilagay sa isang selyadong basurahan. 

Ayon kay Manila City Health Office chief, Dr. Benjamin Yson, nitong Martes lang nalaman ng Manila government ang insidente nang magkasakit ang gurong nakatapon sa mercury at maalarma ang Department of Health (DOH) sa mataas na lebel ng kemikal sa katawan nito. 

Ang DOH pa anya ang nag-ulat ng insidente sa health office ng lungsod. 

Tiniyak naman ni Yson na walang dapat ikabahala kahit ngayon lang sinuspinde ang klase sa eskwelahan dahil agad naisara ang laboratory kung saan natapon ang mercury at hindi na-expose sa kemikal ang mga mag-aaral. 

Hindi pa matiyak kung hanggang kailan tatagal ang suspensyon ng klase lalo't lumabas sa inisyal na pagsusuri ng DOH na mataas ang reading ng mercury o dami ng kemikal na natapon.

Nasa 3,758 nanograms per cubic meter (ng/m3) ang reading ng DOH gayung ang borderline ay 200 ng/m3. 

Ang labis na exposure sa mercury ay nakakamatay. 

Isang pribadong grupo na kinontrata ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang maglilinis ng mercury spill. 

Contained na raw ang kemikal at hindi na dapat ikabahala ng mga estudyante at guro pero patuloy ang kanilang koordinasyon sa mga ahensya na nagsusuri sa insidente.

Oobserbahan sa mga susunod na araw ang mga estudyante ng grade 8 at 9 para mapanatag ang loob ng pamilya ng mga estudyante.

Bumuo na rin ng inter-agency task force and DOH, DENR, Manila Health Office, at Disaster Risk Reduction and Management Office kaugnay ng insidente. 

Ayon sa DOH, delikado ang mercury sa kalusugan. Maari itong magdulot ng sakit lalo na kapag ito ay nalanghao o dumampi sa balat.

Bukas nakatakdang maglabas ng rekomendasyon ang MDRRMO at ang nilikha nitong inter-agency council kung ano ang mga susunod na hakbang. - ulat mula kay Dennis Datu at Kevin Manalo, ABS-CBN News; DZMM