20 pamilya, nasunugan sa Malate

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 24 2017 07:02 AM

MANILA - Nasa 10 bahay ang nadamay sa sunog na sumiklab sa Malate, Maynila kagabi.

Dalawang oras inabot ang pag-aapula sa sunog.

Sa masikip na eskinita sumuot ang mga bombero para apulahin ang mga nasusunog na tirahan sa San Andres St. Barangay 705 sa Malate.

Nagsimula ang apoy sa ikalawang palapag ng isang bahay bandang 9 p.m.

Inabot ng dalawang oras bago nagdeklara ng fire out. Sa kapal ng usok, dalawang residente ang nahirapang huminga.

Tinatayang aabot sa P100,000 ang halaga ng natupok at 20 pamilya ang naapektuhan.