2 pulis, nahuling nag-iinuman sa loob ng kanilang istasyon sa Ilocos Norte

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2017 11:19 PM

ILOCOS NORTE — Disarmado ang dalawang pulis na nakadestino sa kanilang istasyon sa bayan ng Currimao matapos silang maaktuhang umiinom ng alak sa loob mismo ng police assistance center (PAC) sa Barangay San Simeon.

Ayon kay Senior Superintendent Jose Melencio Nartatez Jr., provincial director ng Ilocos Norte Police, ang mismong hepe ng Philippine National Police (PNP) Currimao Station na si Chief Inspector Ryan Retotar ang nakahuli sa dalawa Lunes ng gabi sa tulong ng isang concerned citizen.

Nakilala ang dalawang pulis na sina PO3 Jonathan Juan at PO2 Efren Macadaeg.

Ayon kay Nartatez, nakatanggap ng tawag sa telepono si Retotar na may nag-iinumang mga pulis sa PAC at nang puntahan ng hepe ang center doon niya nakita na nag-iinuman nga ang dalawa ng alak.

“The chief of police, Chief Ryan Retotar immediately proceeded to the police assistance center and then and there he caught the two erring policeman drinking and under the influence of liquor," ani Nartatez. 

Nakumpiska sa dalawang pulis ang isang shot glass at apat na bote ng alak.

Lumalabas na nakipagsagutan pa ang dalawa sa kanilang hepe kaya nang hindi maawat ikinulong ang mga ito sa istasyon.

Hindi na naka-duty ang dalawa nang mahuling nag-iinuman pero ayon kay Nartatez, naka-duty man daw o hindi, mahigpit na ipinagbabawal ang uminom ng alak sa anumang gusali, opisina, at establisyimento na pagmamay-ari at nasasakupan ng pulisya.

“Whether you are not on duty or on duty, you are drinking in a public place or office, ipinagbabawal po natin iyan," paliwanag ni Nartatez.

Itinanggi naman ni Macadaeg ang mga reklamo sa kanila ng kanyang kapwa pulis na si Juan. Hindi raw sila nag-inuman sa PAC at hindi nakipagsagutan sa kanilang hepe.

Mula PNP Currimao Station, inilipat sa administration and holding unit ang dalawang pulis na posibleng haharap sa kasong administrative misconduct. 

Dumaan din sa drug test ang dalawa pero negatibo ang resulta.