PatrolPH

Lalaki arestado sa reklamong 'sextortion' sa Rizal

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2023 01:58 PM

Lalaki arestado sa reklamong 'sextortion' sa Rizal

Arestado ang isang lalaki sa San Mateo, Rizal matapos umanong hingan ng pera ang kapuwa lalaki kapalit ng hindi pagkalat ng maseselan nitong mga larawan.

Sa entrapment operation nahuli ang 31 anyos na suspek matapos ireklamo ng biktima sa Philippine National Police (PNP) Eastern District Anti-Cybercrime Team.

Ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek online at naging suki sa pagpapahatid-sundo sa motorsiklo nito.

Dumating umano ang pagkakataong nangailangan ang biktima ng pera at napapayag ng suspek na makipag-video call nang nakahubad, pero hindi umano alam ng biktima na nai-record pala siya ng suspek.

Nagkasundo umano ang 2 sa halagang P300 para burahin ng suspek ang mga pribadong larawan at video ng biktima pero hindi ito natupad at ilang beses pang humingi ng pera ang suspek sa biktima, pinakahuli noong Marso 21.

Umamin naman ang suspek sa reklamo.

"'Di ako masamang tao... kahirapan, talagang no choice lang talaga ako," katuwiran ng suspek.

Ayon sa PNP Anti-Cybercrime Group, hindi na bago ang ganoong modus kaya nagpaalala sila sa publiko na huwag agad magtiwala sa mga nakilala lang online.

Kakasuhan ang suspek ng robbery with violence against or intimidation of persons.

— Ulat ni Champ de Lunas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.