Committee on Labor, Employment and Human Resources Development Chairperson Sen. Jinggoy Ejercito Estrada. Voltaire F. Domingo, Senate PRIB/File.
MAYNILA - Nasa plenaryo na ng Senado ang panukalang batas na naglalayong magtatag ng mga patakarang magbibigay proteksyon sa mga karapatan at magtataguyod ng karapatan ng mga nasa industriya ng caregiving sa bansa o Caregivers’ Welfare Act.
Sa kanyang sponsorship speech, sinabi ni Senator Jinggoy Estrada na siyang chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development, sakop ng panukala ang mga nasa aktwal na propesyon ng pangangalaga – ang mga lisensyadong professional health care providers, mga nakapagtapos ng caregiving courses o anumang kaalyadong kurso at ang mga na-certify ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na may kakayahan sa propesyong ito.
Sa consolidated version ng panukala, nakasaad dito ang mga patnubay para sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga employment contract, pagsusumite ng mga pre-employment requirements, non-diminution of benefits, proteksyon mula sa hindi makatarungang pagtatapos ng serbisyo, proteksyon ng mga namamasukan mula sa mga pribadong employment agencies, settlement of disputes, tungkulin ng mga caregivers at mga pangunahing pangangailangan na dapat ibigay sa kanila ng kanilang mga employer.
Bilang pagtugon sa mga pangunahing pamantayan na nakasaad sa Labor Code, ang mga caregiver ay magkakaroon ng minimum na walong oras na trabaho at ang lalampas na bilang ng oras ng pagtatrabaho ay babayaran bilang overtime pay.
Upang maiwasan ang posibleng overlap ng mga tungkulin, nakasaad sa panukalang batas ang malinaw na pagtatakda ng mga tungkulin para sa mga caregiver at kasambahay.
Sinabi ng senador na nakasaad din sa panukalang batas ang pagbibigay ng 13th-month pay, karapatan sa pagkakaroon ng annual service incentive leave na hindi bababa sa limang araw na may bayad at mga benepisyo ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
"We are already aware that there is a constant demand of Filipino caregivers abroad dahil mahusay, magalang, mapagmahal, mapagmalasakit ang alagang Pinoy... Panahon na pong pangalagaan ang ating mga tagapangalaga at maprotektahan ang sektor ng ating mga caregivers," ani Estrada.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.