PatrolPH

Teves iginiit ang 'seryosong banta' sa buhay sa hindi pagsipot sa Kamara

Vivienne Gulla, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2023 01:05 AM

 Idinaan ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang kaniyang paliwanag sa pagliban sa Kamara sa isang Facebook video Martes ng gabi. Screenshot
Idinaan ni Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. ang kaniyang paliwanag sa pagliban sa Kamara sa isang Facebook video Martes ng gabi. Screenshot

MAYNILA — Humingi ng paumanhin si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr. kay House Speaker Martin Romualdez sa patuloy niyang pagliban sa Kamara kahit pa sinabihan na siya nito na umuwi ng Pilipinas. 

Sa video na inilabas sa Facebook page ni Teves, sinabi niyang gusto na rin niyang bumalik sa bansa, pero hindi pa magawa dahil sa seryosong banta sa kanyang buhay. Lalo pa nauna nang binawi umano ng Philippine National Police ang lisensya ng baril niya, at tinanggal ang ilang police escort. 

Kahit tiniyak ni Romualdez na handa ang PNP na magbigay ng seguridad, hindi pa umano nito napawi ang agam-agam ni Teves.

“Boss Mart, sorry hindi ko kayo mapagbigyan sa hiling n’yo na umuwi ako dahil hindi ko pwedeng ipagpalit ang aking buhay sa inyong kahilingan,” sabi ni Teves. 

“Palagay na natin lagyan n’yo ako ng ilang pulis ba or army ... Ilang army, ilang pulis ang naka-assign kay Degamo? Saan na siya ngayon? Nakalibing. Hindi nga siya na-secure ng sandamakmak na army. Sabay sasabihan niyo ako kaya niyo ako i-secure?” dagdag niya. 

“Sabi nila gusto nila ako marinig. Pero nakiusap ako na magsalita ako via Zoom para they could hear my side. Hindi nila ako pinayagan. Kailangan daw talaga face to face … Hindi ko maintindihan bakit pinipilit nila ako pumunta face to face, na nakiusap na ako na hindi magpapakita muna doon ng physical dahil sa seryosong pagbabanta at grabeng pagbabanta sa aking buhay,” ayon pa kay Teves. 

Paso na ang travel clearance na ibinigay ng Kamara kay Teves na hanggang March 9 lang, at hindi na pinagbigyan ang kahilingan niyang palawigin ito o mag-leave. 

Pero hindi pa rin humarap ng personal si Teves sa House Committee on Ethics and Privileges nitong Martes sa kabila ng 24 oras na palugit na ibinigay ng komite. 

Kaya tinapos na nito ang imbestigasyon kaugnay ng pagliban ni Teves, at isusumite na ang ulat at rekomendasyon sa plenaryo. 

Giit ni Teves, payo lang, at hindi utos ang pagpapauwi sa kanya ni Romualdez noong una silang nagkausap. Tanong din niya, bakit attendance lang niya ang inimbestigahan ng komite, gayong hindi lang naman siya ang may pagliban sa Kamara. 

“Ilang araw lang ba ako nag-absent? Biglang ikukwestyon sa ethics committee. Ganito na lang para patas ang lahat. Bakit hindi natin ilabas ang record ng attendance ng buong 17th, 18th, at 19th Congress para makita n’yo ... Kahit noong kasagsagan ng pandemic, pumapasok ako physically,” sabi ni Teves. 

“Kilala mo ako Boss Mart, kung gaano ako katotoong tao. Alam mo kung paano kita pinagsilbihan noong majority leader ka palang… Alam mo ang ginawa natin para makuha sana ang speakership... Nakikiusap ako, boss, wag nyo naman sana ako idiin. Ayokong lumaban sa inyo, dahil wala naman akong laban. Sino ba naman si Arnie para lumaban sa gobyerno, kay Speaker at sinuman dyan. Ang kaya ko lang gawin magsabi ng katotohanan,” dagdag niya.

Naniniwala si Teves na biktima rin siya ng mga pangyayari. Binatikos ng mambabatas ang pagdawit sa pangalan niya sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. 

“Pareho lang kami ng pamilya Degamo na biktima dito. Biktima sila Degamo. Ako rin biktima, dahil ginagamit ako ng marami diyan for political mileage. Sobrang kawawa na ako. Ginamit niyo pa ako para sa negosyo. Ginagamit niyo pa ako for political mileage. Wag naman sana,” sabi ni Teves. 

Panawagan ni Teves sa Department of Justice, tingnan lahat ng posibleng anggulo sa pagpatay kay Degamo. May mensahe rin siya kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla. 

“Sec., wala akong problema sa iyong paggawa ng inyong trabaho bilang DOJ Secretary. Isama n’yo man ako sa mga suspek sa imbestigasyon, walang problema. Pero ang hiling ko lang, ‘wag naman ako lang. Lahat ng anggulo tingnan natin,” sabi ni Teves. 

“Tingnan din natin ang anggulo ng mga kakilala, kapamilya. Hindi pwedeng nakatuon lang sa isang tao. At idiin niyo doon lahat ng kaso at ipa-eksakto niyo ang ebidensya na nahagilap niyo o inimbento niyo. Wag naman sana ganoon,” dagdag niya. 

“Ang ipinagtataka ko rin, bakit ako tina-target bago pa man ‘yung killing, sabay nadagdag pa ‘yung killing sa Negros Oriental. Naririnig ko lang naman na anggulo, is yung sa e-sabong. Mayroon daw mga tao na gusto nilang masolo yung e-sabong, kaya kinakana nila ako. Matagal ko nang sinabi, wala na ako diyan,” ayon pa kay Teves. 

Nanawagan naman siya ng tulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

"Mr. President, sobra na yung ginagawa ng ibang tao sa gobyerno sa akin. Masyado na nila akong dinidiin, kinakawawa at inaapi,” apela niya.

Isa din si Teves sa mga taong sinampahan ng kasong murder nitong Marso sa Department of Justice (DOJ) ng CIDG kaugnay ng pagpatay kina Negros Oriental Board Member Miguel Dungog at 2 iba pa noong 2019.

Ayon kay CIDG Director Police Brig. Gen. Romeo Caramat Jr., positibong itinuro ng mga saksi si Teves bilang mastermind umano sa pagpatay kina Dungog, Lester “Tom-Tom” Bato, at Pacito Libron.

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.