Hawak na ng pulisya sa Laguna ang 2 person of interest kaugnay sa insidente ng umano'y hazing na ikinamatay ng isang 18 anyos na lalaki.
Siyam ang kabuuang bilang ng person of interest na tinukoy ng mga pulis sa Kalayaan, Laguna na dawit sa pagkamatay ni Reymarc Rabutazo, pero puwede pa itong madagdagan, depende sa imbestigasyon.
"Nalunod daw sa resort [pero] upon verification ng investigator, 'yon pala'y lumalabas na hazing incident," ani Lt. Erico Bestid Jr ng Kalayaan police.
Ayon kay Maricar, ina ni Reymarc, nagpaalam sa kaniya noong Sabado ang anak na pupunta ito sa bundok kasama ang mga kaibigan pero kinutuban na umano siya.
Pero noong Linggo, alas-3 ng hapon, nakatanggap ng tawag ang mga magulang ni Reymarc na itinakbo ito sa ospital.
Natagpuan si Reymarc na may paso sa dibdibd, basag ang ngipin, lamog ang binti at hita, at maga ang tainga.
Ayon kila "Noel" at "Ricky," mga umano'y kasama ni Reymarc noong araw na iyon na bagong recruit, alas-7 ng umaga noong Linggo nagsimula ang aktibidad at tumagal nang nasa 2 oras.
Halos mawalan umano sila "Noel" at "Ricky" ng malay pagkatapos ng hazing dahil sa mga pinsalang tinamo at nagulat sila sa nangyari kay Reymarc.
Ayon sa mga nakaligtas sa hazing, kaya sila sumali sa fraternity ay dahil sa mabuting hangarin ng grupo at kapatiran.
Pero aminado silang may halong pagsisisi sila sa pagsali dahil sa 2 oras na pagpapahirap sa kanila.
"Habang hini-hazing ako, napapaisip ako bakit napasali pa ako," sabi ni "Ricky."
Hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa bangkay ni Reymarc habang patuloy na hinahanap ng mga awtoridad ang ibang sangkot sa kaso.
— Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.