PatrolPH

Mag-ina patay sa sunog sa Cagayan

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2022 08:59 PM

Dalawa ang patay sa nasunog na bahay sa Barangay Centro Norte, Gattaran, Cagayan nitong Linggo ng hapon.

Sa video na kuha ni BossKyle, makikita ang paglagablab ng malalaking apoy.

Sa initial na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection-Gattaran, posibleng nagsimula ang sunog sa nakasinding kandila.

"Ayon sa mga nakakita nagsimula ang sunog sa kwarto ng matanda, posibleng sa napabayaang kandila dahil nakagawian umano ng matanda na magsindi ng kandila sa altar," ayon kay Fire Sr. Insp. Modesto Macarubbo Sr.

Ang bahay ay may dalawang palapag na gawa sa light materials kaya mabilis kumalat ang apoy. 

Nakalabas pa ang mag-ina na sina Marcelina Bernardo, 90 at Roger Bernardo Sr., 60 pero bumalik umano ang matanda para kunin ang titulo ng lupa at ang kanyang anak naman sa hindi malamang dahilan. 

Sa pagbalik nila sa loob ng bahay hindi na nakalabas pa muli ng buhay ang mag-ina.

Nadamay sa sunog ang isang katabing bahay. 

Nagpaalala ang BFP na huwag nang tangkaing bumalik sa loob ng bahay kung sakaling may nakalimutang mahalagang bagay dahil higit na mas mahalaga ang ating buhay.

Inaalam pa rin ng BFP ang kabuuang halaga ng napinsala ng sunog.

- ulat ni Dianne Dy
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.