PatrolPH

Holy Week vacation ng ilang Pinoy napurnada dahil sa 'NCR plus bubble'

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2021 07:54 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Inasahan sana ng mga taga-Puerto Galera na manunumbalik ang sigla ng turismo sa paparating na Semana Santa kaya todo-handa sila lalo't 99 porsiyento ng mga residente ay nabubuhay sa turismo.

Pero naudlot ang inaasahang kita dahil sa bagong resolusyon ng IATF, na ginawang isang bubble ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal at Bulacan dahil sa patuloy na pagsirit ng COVID-19 cases. 

Bawal lumabas sa bubble na ito ang mga bibiyahe para sa turismo dahil hindi ito tinuturing na "essential travel."

Kaya’t maraming mga pamilya na pupunta sana sa Boracay, Palawan, Puerto Galera, at iba pang mga tourist destination sa bansa ang umaaray dahil sa nabulilyasong bakasyon.

"Humingi ang mga doktor kung puwede timeout muna. Nakakalungkot pero siyempre kailangan mapagbigyan ang mga doktor... Sabi naman nila 2 weeks lang pero nakakalungkot kasi bumubuwelo na tayo, Holy Week madaming aalis," sabi ni Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat. 

Dagdag ni Puyat, papayagan naman na mag-rebook ang mga naunsiyami ang mga plano.

"Nakausap ko na ang lahat ng airlines, sinabi naman nila puwede mag-rebook nang walang penalty, ang hotel and restaurant associations, puwede mag-rebook nang walang penalty," sabi ni Puyat. 

Sabi naman ng Manila International Airport Authority, tuloy pa naman ang domestic flights lalo na at may mga "essential travelers" pa rin. 

Puwede ring pumasok sa Ninoy Aquino International Airport ang mga pasahero na magmumula sa mga pasyalan o bakasyon at naipit ng panibagong travel restriction. 

Sabi naman ng Department of Tourism, papayagan naman ang mga sakop ng bubble na mag-staycation sa mga aprubadong hotel, pero di puwedeng isama ang mga menor de edad.

—Ulat nina Jeff Canoy at Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.