Puspusan pa rin ang pag-disinfect ngayong Lunes ng lokal na pamahalaan ng Roxas, Isabela sa mga lugar sa bayan na nakapagtala ng mga kaso ng COVID-19.
Kasama rito ang mga bahay ng mga natukoy na positibo sa sakit.
Sabado nang isailalim sa granulated lockdown ang ilang purok at barangay sa Roxas para mapigilan ang pagkalat ng sakit habang nagsasagawa rin ng contact tracing.
Sa tala ng local government unit (LGU) ng Roxas, umabot na sa 114 ang active COVID-19 cases sa bayan o iyong mga hindi pa gumagaling sa sakit.
Pinakamarami umanong kaso ang Barangay Vira, na umaabot sa 34. Sinundan ito ng Barangay Rizal (29) at Barangay Bantug (21).
Nakapagtala naman ng tig-7 COVID-19 cases ang Barangay Placido at Nuesa, tig-5 ang Barangay San Antonio at San Rafael, 3 sa Barangay Marcos, habang tig-1 ang Barangay San Luis, Munoz West at Luna.
Ayon sa lokal na pamahalaan, local transmission o hawahan ng mga tao sa palengke ang sanhi ng maraming kaso ng COVID-19.
Ipinag-utos ngayong Lunes ni Roxas Mayor Jonathan Jose Calderon ang pagsasara ng lahat ng establisimyento tuwing ala-1 ng hapon.
Iiral ang utos hanggang Marso 27.
Hindi naman saklaw ng utos ang mga ospital, laboratoryo, klinika at drugstores.
Pinapayagan din ang food establishments na magpatuloy ng operasyon bago ang curfew hours, pero limitado lang sa takeout.
Sa ngayon, nasa ilalim ng general community quarantine ang bayan ng Roxas, na tatagal hanggang Marso 27.
– Ulat ni Harris Julio
RELATED VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, rehiyon, regions, regional news, Isabela, Roxas, Covid-19, Covid-19 surge, coronavirus disease, coronavirus Philippines update, disinfection, community transmission