Special powers para kay Duterte inihirit para sa pagsugpo sa COVID-19

Mike Navallo, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2020 07:45 PM | Updated as of Mar 22 2020 08:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Hiningi ng Malacañang sa kongreso na magdeklara ng state of national emergency at bigyan ng special powers si Pangulong Rodrigo Duterte para lutasin ang krisis na dala ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Nakapaloob ang hiling na ito sa sulat na ipinadala ni Executive Secretary Salvador Medialdea kay Senate President Vicente Sotto III.

Sakop ng hinihiling na kapangyarihan ng Pangulo ang paglipat ng pondong nakalaan sana sa ibang mga proyekto para matustusan ang mga programa kontra COVID-19.

Uutusan din ang mga lokal na pamahalaan na balikan ang kanilang budget at unahin ang pagsugpo sa nakahahawang sakit.

May probisyon din para makapamili agad ang Pangulo ng mga gamit gaya ng testing kits, magrenta ng mga establisyimento at magtayo ng medical facilities nang hindi sumusunod sa batas ng procurement.

Humihingi rin ang Pangulo ng kapangyarihang gamitin ang mga public utility at mga pribadong negosyo, gaya ng mga hotel, public transportation, at mga telecommunication companies.

Ibig sabihin, ang mga hotel ay maaaring gamitin ng gobyerno para sa mga health workers o di kaya’y gawing quarantine center at aid distribution center habang ang mga sasakyan naman ay maaaring ipagamit para sa mga health, emergency at frontline personnel.

Nais ding bigyang kapangyarihan ang Pangulo na kontrolin ang pribado at pampublikong transportasyon, kasama ang trapiko at maging ang distribusyon at paggamit ng kuryente, langis at tubig para masiguro ang sapat na suplay.

Nakasaad din sa hiling na mabigyan ng insentibo ang mga gumagawa at nag-aangkat ng mga kinakailangang gamit habang bababaan naman ang interest rates sa pagpapautang.

Kinumpirma ni Sotto sa ABS-CBN News ang naturang panukalang batas pero ayon sa kaniya, hindi ito maituturing na emergency powers bill dahil wala umano ito sa title ng panukala.

At bagama’t kontrobersyal ang probisyon tungkol sa pag-takeover ng mga negosyo, hindi umano ito lulusot sa Senado. Ang layunin ng batas ay mamigay ng pera sa 16.5 milyong pamilya.
 
"Perhaps one controversial provision in the bill about takeover of businesses but that won’t fly in the Senate. The main proposal of the bill is to distribute cash to the 16.5 million families badly needing help," ani Sotto.
 
Pag-uusapan pa ang panukala sa Lunes ng umaga sa special congressional session na ipinatawag ng Pangulo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.