'Pantawid' campaign: 'Bayanihan' ng publiko, mga korporasyon, LGUs

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2020 01:28 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang “bayanihan” ang kampanyang inilunsad ng ABS-CBN para matulungan ang mga mahihirap na pamilyang nawalan ng kabuhayan bunsod ng ipinatupad na lockdown sa Luzon, ayon kay Susan Afan, managing director ng ABS-CBN Foundation, nitong Linggo.

Saad ni Afan, hindi lamang programa ng iisang kompanya ang “Pantawid ng Pag-ibig” campaign, kundi isang pagtutulungan ng iba’t ibang sektor ng lipunan para maibsan ang epekto enhanced community quarantine sa Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon.

“This is not just an ABS-CBN Foundation project, but this is actually a truly bayanihan project where we’re bringing private corporations who have offered to make food inventory available for purchase,” ani Afan.

“Then of course, we have the general public and private corporations that are sending us donations, and then we have the local government units that are actually receiving the food supplies and taking care of distributing it,” paliwanag niya.

Inilunsad sa “TV Patrol” noong Huwebes ang kampanya, kung saan mangangalap ng donasyon ang ABS-CBN mula sa publiko at mga pribadong kompanya.

Gamit ang mga na-donate na pera, bibili ang ABS-CBN Foundation ng basic goods at necessities na ibabagsak sa mga local government unit (LGU) sa Metro Manila, ayon kay Afan.

Ang mga LGU naman umano ang bahala sa pag-repack at pamamahagi.

“Normally, Sagip Kapamilya would be the ones that would pack it but because of the social distancing that we’re also following, right now, we are delivering it in bulk to the LGUs,” ani Afan.

Kabilang umano sa mga bibilhin gamit ang mga donasyon ay bigas, mga de-latang pagkain, tubig, toothpaste, laundry detergent, at iba pang hygiene kits.

Sa ngayon, target ng kampanya na makapagbigay ng tulong sa 200,000 pamilya.

“If we are to continue to give support to the 17 cities, we need support from the public,” ani Afan. "The need is so overwhelming," diin niya.

May mga pribadong kompanya na ring nag-abot ng tulong sa “Pantawid ng Pag-ibig” gaya ng Unilab, Century Pacific Food Inc, Rebisco, McDonald's, Lucio Tan Group, Ritemed, at Generika. Ang Lopez Group naman ay nagbigay na ng P100 million bilang seed fund para masimulan ang kampanya.

Ayon kay Afan, kada araw ay magbibigay sila ng ulat sa “TV Patrol” kaugnay ng halaga ng nalikom na donasyon at mga kompanyang nagpaabot ng tulong.

Isang digital concert din ang lalahukan ng higit 100 Kapamilya stars ngayong gabi ng Linggo para sa “Pantawid ng Pag-ibig.” 

Bukod sa “Pantawid ng Pag-ibig,” patuloy din ang pag-iikot ng ABS-CBN Foundation sa mga ospital sa Metro Manila para mamigay ng tulong.

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.