Nakararanas ng anxiety, takot dahil sa COVID-19? Maaaring tumawag sa hotline na ito

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2020 02:06 PM | Updated as of Mar 22 2020 02:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Binuksan ang Hopeline — isang national hotline number sa depresyon at suicide prevention — para sa mga taong nakararanas ng problema sa emotional at mental health bunsod ng krisis sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa tagapagtatag ng organisasyong nangangasiwa sa hotline.

Ayon kay Jean Goulbourn, founder ng NGF Mindstrong na nagpapatakbo sa Hopeline, nakatanggap sila nitong mga nagdaang araw ng mga tawag mula sa mga taong nakararanas ng matinding takot bunsod ng COVID-19.

"Most of them are really heavy concerns on anxiety and fear... some of them have sleepless nights," ani Goulbourn.

"This is a prelude to an eventual depression so we would like to help our callers how to avoid anxiety that will lead to depression," aniya.

Puwedeng matawagan ang Hopeline sa 0918-873-4673 (Smart), 0917-558-4673 (Globe), at (02) 8804-4673 (PLDT).

Kabilang sa mga serbisyong alok nila sa mga caller ay ang pagbibigay ng breathing exercises sakaling inaatake ang mga ito ng anxiety.

Bagaman kaunti pa lang ang mga natatanggap na tawag ng Hopeline mula sa mga taong dumadaan sa emotional crisis dahil sa COVID-19, inaasahan ni Goulbourn na tataas ito sa mga susunod na linggo.

"Within three weeks, on the third week, our calls will really sharply go up because this one week, people are still adjusting," aniya.

Ipinayo ni Goulbourn sa publiko na mag-meditate, magsagawa ng breathing exercises, at tiyaking sapat ang haba ng tulog para maiwasang magkaroon ng depresyon sa gitna ng home quarantine.

Nilinaw naman ni Goulbourn na emotional at mental health crisis lang ang kayang tugunan ng kanilang mga tauhan. 

Kapag nagtatanong ukol sa mismong COVID-19, gaya ng mga sintomas at paraan ng paggamot nito, ipinapasa umano ang mga caller sa Department of Health.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.