Mga establisimyentong nag-overprice o nagtatago ng alcohol, masks sinalakay

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2020 05:26 PM | Updated as of Mar 22 2020 06:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nag-crackdown ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga tindahan at online store na nag-overprice at nagtatago ng mga alcohol, thermal scanner, at face mask sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

Sa Cainta, hinuli ang mag-asawa na nagtinda ng 10 galon ng alcohol online.

Nasa P650 ang singil sa bawat galon ng alcohol gayong dapat ay P562 na lang ang presyo nito.

Sa Taytay, na-entrap din ang tindahan na nagbenta ng 8 galon ng alcohol sa presyong P700 kada bote.

Sa Bambang sa Maynila, pinasok ng NBI Special Action Unit ang medical supply store na nagbebenta ng thermal scanner sa P8,000 bawat piraso samantalang P3,000 ang regular nitong presyo.

Nakapaskil pa sa pintuan ng tindahan na wala silang supply ng mask at thermometer pero natagpuan sa bodega ng establisimyento ang kahon-kahong supply ng mga produkto.

Nagbabala naman si NBI officer in charge Eric Distor na huhulihin ang iba pang nag-iimbak at nagmamanipula ng presyo ng medical supplies.

Kulong ang mga suspek sa mga kaso ng hoarding at profiteering.

Ipipresenta muna ang mga nakumpiskang milyong halaga ng supply sa korte bilang ebidensiya bago mapagpasyahan at ipamahagi ng gobyerno. -- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.