COVID-19 cases sa Pilipinas pumalo sa 380

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2020 04:48 PM | Updated as of Mar 22 2020 05:23 PM

MAYNILA — Umabot sa 380 ang bilang ng mga taong nagpopositibo sa COVID-19 sa Pilipinas matapos makapagtala ng 73 bagong pasyente, sabi ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Umakyat din sa 25 ang bilang ng mga taong namamatay dahil sa sakit habang 17 na ang gumaling, ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Bukod dito, inihayag din ni Vergeire na nagnegatibo sa COVID-19 si Health Secretary Francisco Duque.

Magugunitang nagpa-test si Duque at sumailalim sa quarantine mula noong Miyerkoles matapos niyang makasalamuha ang isang DOH director na nagpositibo sa sakit.

"Si Secretary Duque po ay nasa maayos na kondisyon. Siya po ay nagtatrabaho pa rin," ani Vergeire.

Delikado ang COVID-19 para sa mga matatanda, may mahihinang resistensiya, at may ibang medikal na kondisyon pero 80 porsiyento ng mga kaso sa buong mundo ang nagpakita ng mataas na tsansa ng paggaling, ayon sa World Health Organization.

Paulit-ulit na paalala ng mga awtoridad ang pananatili sa kanilang mga tirahan, pag-practice ng proper hygiene, at maiging paghuhugas ng kamay para maiwasan ang sakit.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.