Truck, van, nahulog sa gilid ng SLEX sa Muntinlupa City; 1 patay, 5 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 06:18 PM | Updated as of Mar 22 2019 07:26 PM

Watch more in iWantTFC

Isa ang patay at lima ang sugatan nang mahulog ang isang trak at nakaparadang van sa gilid ng South Luzon Expressway sa Muntinlupa City nitong madaling araw ng Biyernes. 

Nakaparada lang daw ang van sa lugar nang banggain ng nasabing trak at mahulog sa bakanteng lote sa may bandang SLEX. 

Sa apat na sakay ng van, isa ang itinakbo sa ospital at nasa maayos na kondisyon na matapos magtamo ng hiwa sa kaliwang paa. 

Nakaligtas ang driver ng dump truck pero ang binawian ng buhay ang pahinanteng si Esmar Tolentino. 

Hawak na ng Philippine National Police-Highway Patrol Group ang drayber ng trak na si Edccel Adorna, na aminadong nakatulog siya habang nagmamaneho. 

Ito raw ang dahilan kaya nabangga ang nakaparadang van at bumulusok sila pababa. 

Kuwento ng pahinante ng van na si Angelito Lucio, maghahatid sana sila ng panindang toyo at suka sa Calamba, Laguna. 

Pero nasiraan sila ng makina kaya nagpasya silang pumarada muna sa gilid ng SLEX southbound habang naghihintay na tulong. 

Nasaksihan naman ng residenteng si Ronalyn Malic ang insidente at nagpasalamat na hindi sa kanilang bahay nahulog ang dalawang sasakyan.

Wala pang nagsasampa ng reklamo laban sa drayber ng trak dahil nakipag-areglo na sa kompanya niya ang mga biktima. -- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.