Oras ng rasyon ng tubig sa ilang lugar, di nasusunod

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 09:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinadaing ng mga residente sa ilang barangay sa Pasig na hindi nasusunod umano ng oras ng water interruption na ibinibigay ng Manila Water.

 

May ilang mga residente tulad ni Noli Lomibao, na nagtataka kung wala silang tubig, taliwas sa kanilang kapitbahay na may suplay.
Dahil dito, napilitang makisalok sa kapitbahay si Lomibao.

"Kahit papaano magbayad ka lang tres para siyempre kahit papaano, mayron ding ano 'yung mapag-igiban mo eh kaysa wala,” kuwento niya.

Reklamo naman ng mga taga-Dilang 1 sa Barangay Pinagbuhatan 1 sa Pasig na kaunting tubig na nga lang ang dumarating, hindi pa raw ito tugma sa oras na inanunsiyo. Dahil dito, tiyempuhan at tipid na lang ang kanilang ginagawa.

“Mahirap dahil hindi ka makatulog nang maayos, pagising-gising ka rin kasi tinitingnan mo kung may tubig,” ayon sa residenteng si Eddie Garcia.

Paliwanag ng naman ng Manila Water na hindi agad-agad magkakaroon ng tubig ang mga gripo sa oras na buksan na ang valve ng tubig.

Kailangan kasing magkaroon muna ng water pressure. Ang mga matataas na lugar naman ay mas matagal mararating ng tubig.
May epekto rin daw ang dami ng mga gumagamit ng gripo.

“‘Pag marami na po gumamit ng tubig sa mga unang bahay na natubigan o nadaanan ng ating distribution line, so 'yung consumption po mas nakukuha na nila," ani Faye Marcelino, Corporate Communications Manager ng Manila Water.

Ayon sa Pasig Disaster Risk Reduction Management Office, may mga pagkakataon na wala talagang tubig sa ibang parte ng mga barangay kahit na may inilabas na iskedyul sa dating ng tubig, kaya tuloy pa rin ang kanilang pagrarasyon.

"Mayroon pa rin tayong rationing based on the schedule given to us by Manila Water. Medyo may mga changes lang," ani Ritchie Van Angeles, head ng Pasig DRRMO.

Nais naman nang itigil ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo ang mga pagdinig sa Kamara ukol sa mga water interruption.

"I think that's it. I'm going to ask the Congress to terminate already the hearings because they've already heard what they have to hear for the immediate term," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, wala pa ring suplay ng tubig hanggang ngayon ang nasa 6,000 residente sa Sikkad K3 sa Rodriguez, Rizal.

Wala pa kasi silang permanenteng koneksiyon ng tubig at umaasa lang daw sila sa pag-iigib.

Bukod dito ay wala pang titulo ang mga bahay nila kaya't di pa raw malagyan ng koneksiyon ng tubig.

Nasa isang oras ang nilalakad ng ilang mga residente para lamang makarating sa isang ilog sa Rizal para makapaglaba. Tumatawid naman sa isang riprap ang mga malapit sa ilog para makarating sa katubigan.

Kabilang ang Sitio Kasiglahan sa Barangay San Jose sa mga lugar na hindi pa naaayos ang suplay ng tubig ayon sa Manila Water.

Sa panayam sa DZMM, sinabi ni Jeric Sevilla, corporate communications head ng Manila Water na pinag-aaralan pa rin nila ang solusyon para maibalik ang suplay ng tubig sa lugar.

“Mina-manage pa rin ngayon ang water pressure para maiparating ang tubig sa matataas at malalayong lugar. Hopefully, ngayong buwan may 12 hours na service,” aniya.

--Ulat nina Kori Quintos at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.