Kasapi ng NPA, patay sa engkuwentro

Lorilly Charmane D. Awitan, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 09:35 AM

Narekober ng mga sundalo ang isang M16 rifle, bandolier, tatlong anti-personnel mines at detonating cord mula sa lugar na pinagtaguan umano ng mga rebeldeng New People's Army. Larawan mula sa 30th Infantry Battalion, Philippine Army

SURIGAO CITY - Patay ang isang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa engkuwentrong naganap sa bulubunduking bahagi ng Barangay Anomar, Huwebes ng umaga.

Ayon sa militar, nakatanggap sila ng impormasyon na may ikinakasang plano ang mga rebelde bilang paghahanda sa kanilang anibersaryo. 

Nagkaroon ng sagupaan na tumagal ng halos isang oras nang matunton ng mga sundalo ang pinagtataguan ng mga rebelde sa tulong ng mga residente.

Narekober sa lugar ang isang M16 rifle, isang bandolier na may magazine, tatlong anti-personnel mine at 100 meters na detonating wire.

Ayon sa 30th Infantry Battalion ng Philippine Army, nagrereklamo umano ang mga residente sa labis na pangingikil ng mga rebelde sa lugar para maipambili ng supplies para sa kanilang anibersaryo.

Dinala na sa Surigao City ang mga labi ng nasawing NPA.