Bulag na lolo, ice drop ang tinda sa araw, balut naman sa gabi

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 08:40 PM | Updated as of Mar 22 2019 09:41 PM

Hindi alintana ng 76 anyos na si Aquiles Besin ang kaniyang kalagayan para makapaglako ng ice drop sa Bacacay, Albay. Screengrab

Hindi alintana ng isang bulag na lolo ang kaniyang kalagayan para makapaglako ng ice drop sa Bacacay, Albay.

Hindi lamang mga bata kung hindi mga matatanda rin ang nag-aabang sa 76 anyos na si Aquiles Besin tuwing tag-init.

Tungkod lang ang kaniyang gabay tuwing naglalako.

Watch more in iWant or TFC.tv

Matagal na raw siyang nagbebenta ng ice drop kaya kabisado na niya ang mga kalye at eskinita sa kanilang lugar.

Kabisado niya rin ang mga ipinambabayad sa kaniya, bagay na ikinabibilib ng kaniyang mga suki.

"Siguro meron siyang pakiramdam, sense of touch, na kahit 'yun piso, kahit limang piso, kahit 'yung bente pesos, 'yung one hundred pesos, kaya niyang suklian," ayon sa residenteng si Jose Borromeo.

Mahigit isang taong gulang lang si Besin nang mawalan ng paningin dahil sa katarata. Hindi na rin siya nakapag-aral at nag-iisa na lamang siya sa buhay.

Nakatira siya ngayon sa isang pamilya na kumupkop sa kaniya.

Bukod sa pagtitinda ng ice drop, gumagawa rin siya ng bayong at nagtitinda ng balut tuwing gabi.

Hindi man nakakakita pero hindi nawawalan ng pag-asa si Besin.

"Talagang kasama ang sipag sa ano, sa hanapbuhay, 'pag ang Panginoong Diyos ang kasama mo, kung ano ang gusto mo, magagawa mo ito," pahayag ni Besin.

-- Ulat ni Jose Carretero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.