Batang nakaligtas sa aksidente, nangungulila sa magulang

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 10:47 AM | Updated as of Mar 22 2019 05:11 PM

Sa ICU na nagdiwang ng kaniyang unang kaarawan si Baby Edjay na nakaligtas sa aksidenteng ikinamatay ng kaniyang mga magulang sa Compostela Valley. Bonna Pamplona, ABS-CBN News

NABUNTURAN, Compostela Valley – Nakalabas na mula sa intensive care unit ang isang taong gulang na bata na nakaligtas sa aksidenteng ikinamatay ng kaniyang mga magulang at apat na iba pa noong Lunes.

Natamaan ng bubog sa pisngi si baby Edjay matapos ang salpukang ng pampasaherong van na sinakyan nila at ng isang truck sa Barangay New Sibonga. 

Stable man ang kalagayan ng bata, pero ayon sa mga doctor ng Davao Regional Medical Center, patuloy pa rin nilang inoobserbahan ito.

Panay rin ang iyak ng bata na hinahanap ang kaniyang mga magulang na sina Jackielyn Gubaton at Ed John Cantoria.

Kabilang ang pamilya ni Edjay sa 14 na sakay ng pampasaherong van nang maaksidente.

Patungong Bislig City sa Surigao del Sur ang mag-anak para doon sana ipagdiriwang ang unang kaarawan ni Edjay.

Sa ICU na nag-birthday ang bata na kinantahan na lamang ng naka-duty na nurse ng happy birthday noong Marso 19.

Sa ngayon, ang tiyahin muna niyang si Madelyn ang nagbabantay sa kaniya. Naawa rin ito sa naging kapalaran ng pamangkin.

Malaki naman ang pasasalamat ng naiwang pamilya ni Baby Edjay dahil marami ang nagbibigay ng tulong sa sanggol gaya ng gatas, diaper at damit.

Umaasa sila na makalalabas na sa ospital ang bata para maabutan pa ang lamay ng mga magulang sa Bislig City na nakatakdang ilibing sa Sabado.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.