App na aalerto sa bombero sa posibleng sunog, gawa ng mga estudyante

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 09:51 PM | Updated as of Mar 22 2019 10:39 PM

Watch more in iWantTFC

Sa kasagsagan ng Fire Prevention Month, nag-imbento ng high tech device ang isang grupo ng mga kabataan na layong makatulong sa pag-iwas sa sunog. 

Inimbento ng isang grupo ng mga estudyante mula Mapua University ang Fire Luminosity and Multi-sensory Equipment (FLAME), na nagbibigay ng babala kapag may na-detect na maaaring pagsimulan ng sunog. 

Layon nitong malaman agad kung magkakasunog lalo na sa mga bahay na walang tao. 

"Inisip po namin as a group kung ano ba 'yung pinaka-main cause ng fire dito sa Philippines," sabi ng estudyanteng si Emmanuel Paloma. 

"So [nag-isip] po kami ng paraan or device na magpasama-sama lahat ng possible threats na 'yun sa iisang system po," dagdag niya. 

Gumagana ang FLAME sa pamamagitan ng paglalagay ng sensor sa iba't ibang bahagi ng bahay. 

Kapag naka-detect ng init na maaaring panggalingan ng apoy ay susuriin ito ng system. 

Kung may positibo, ibabato na ang impormasyon sa cellphone ng may-ari ng bahay at sa Bureau of Fire and Protection. 

Para sa adviser ng mga bata na si Engr. Ericson Dimaunahan, dapat suportahan ang naturang imbensiyon, na una nang pinondohan ng Department of Science and Technology. 

"We are really looking forward for the system to be wide-scale at magamit ng local government," aniya. 

-- Ulat ni Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.