ALAMIN: Bakit tuwing Marso ginaganap ang Fire Prevention Month?

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2019 10:44 PM

Watch more in iWantTFC

Bakit nga ba tuwing Marso ginaganap ang Fire Prevention Month? 

Ayon kay Fire Supt. Cesar Patrocino, deputy director ng Bureau of Fire and Protection Fire Safety and Enforcement, ito ay dahil sa pagdami ng insidente ng sunog tuwing Marso, na simula rin ng panahon ng tag-init. 

May epekto rin aniya ang paggamit ng mas maraming appliances sa bahay tuwing tag-init. 

"Siyempre po, una, lalo na sa ating pamamahay, 'yung mga kababayan gumagamit ng mga appliances at nagdadagdag ng init sa loob ng bahay," aniya sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM noong Miyerkoles. 

"Ang tao mismo, gusto komportable, nakaligtaan na 'yung electric fan nila, 24/7 [nakabukas] na nakaligtaan na papahingain," dagdag ni Patrocino. 

Isinabatas ang Fire Prevention Month sa pamamagitan ng Proclamation Number 115-A na nilagdaan ni dating pangulo at diktador na Ferdinand Marcos. 

Minamandato ng batas na gumawa ng aktibidad ang mga sangay ng gobyerno at mga pribadong sektor ukol sa pag-iwas sa mga sakuna, gaya ng sunog. 

Noong 2018 ay naitala ang 16,675 insidente ng sunog sa buong bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.