Tulong, hiling ng survivors ng Dimple Star Bus crash

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 01:20 PM

Umaapela ng tulong pinansiyal ang mga biktimang nakaligtas sa pagdausdos ng Dimple Star Bus sa bangin sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro, Martes ng gabi.

"Hindi na po maibabalik ang mga buhay na nawala...Sana po tulungan kami at huwag pabayaan," ani alyas "Tina." Ang anak ni Tina ang isa sa mga lubhang nasugatan sa malagim na trahedya, kung saan 19 ang kumpirmadong patay.

Kuwento ng mga nakaligtas na pasahero, maayos ang takbo ng bus noong una pero bigla itong nagpagewang-gewang hanggang sa mahulog sa bangin.

    
Abiso naman ng Sablayan National Disaster Risk Reduction and Management Office (NDRMMO) sa mga pasahero, maaari na silang pumunta sa Sablayan police station para makita ang mga gamit na na-retrieve mula sa lugar ng aksidente. 

Dumadaing kasi ang ilan kung paano nila makukuha ang kanilang mga kagamitan. Ang isa pa sa mga pasahero ay may dalang higit P50,000 cash na gagamitin sana sa isang pagtitipon. 
    
Samantala, sarado na ang Dimple Star Bus terminal sa Maynila at Araneta, Cubao.

Ito ay dahil sa suspensiyon sa prangkisa na ipinataw sa kanila ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.