Reklamo ng Yolanda survivor: Dingding ng pabahay, palaman ay sako

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 07:01 PM | Updated as of Mar 22 2018 07:02 PM

Kuha ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Nangangamba ang ilang nakatira sa Yolanda relocation site sa Tacloban City para sa kanilang kaligtasan matapos matuklasang bukod sa kulang sa semento ang pabahay na ibinigay, may sako pang nakapalaman sa kanilang dingding.

Kuwento ni Eduard Balute, mag-iisang taon na silang nakatira ng kaniyang pamilya sa Ridgeview Park, na isang Yolanda relocation site, kaya laking gulat niya nang makita na may mga sako sa loob ng kanilang dingding.

Kuha ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Nadiskubre ito habang nag-aayos sila ng extension para sa kanilang kusina.

Bukod dito, kulang din umano ang semento sa dingding na kinakapitan ng kanilang bintana kaya't tuwing umuulan ay basa sa loob ng kanilang bahay.

Idinulog na umano nila ito sa National Housing Authority (NHA), pero wala pang aksiyon.

"Natakot lang kami kasi kapag mayroong lindol paano," ani Balute. 

Kuha ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Muling inihayag ni Balute at ng iba pang Yolanda survivors ang kanilang mga reklamo sa konsultasyon ng pamahalaan.

Inireklamo rin ng mga benepisyaryo ang kawalan ng suplay ng tubig at kuryente, pati ang pagbaha sa relocation sites.

"Meron talagang kakulangan at aminado naman tayo na kailangan mayroon gawin," pag-amin ni Yolanda czar Wendel Avisado.

Ipinasa naman ng NHA ang sisi sa developer ng relocation site. 

"Itong housing natin, kahit ginagamit na natin, hindi pa ito tinatanggap ng NHA. So, may responsibility ang developer kung ano ang mga sirang nakikita natin ngayon, dapat ayusin nila," ani NHA Regional Manager Rizalde Mediavillo.

Gayunman, inatasan na ni Avisado ang NHA na aksyunan ang mga reklamo.

Kuha ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Tiniyak din ni Avisado na mag-iikot ang kaniyang grupo sa iba pang lugar na sinalanta ng Yolanda para alamin ang iba pang hinaing ng mga nasalanta ng bagyo. --Ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.