Puerto Princesa vice mayor, pinayagang dumalo sa graduation ng mga anak

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 10:49 PM

PUERTO PRINCESA CITY - Pinayagan ng Regional Trial Court Branch 49 si Vice Mayor Luis Marcaida III na dumalo sa pagtatapos ng kaniyang mga anak sa kolehiyo at high school.

"This is a special day for him. Lalo na po yung ga-graduate ay yung dalawa naming anak ang aming panganay sa college at ang bunso sa high school,” ani Monette Marcaida, asawa ng bise alkalde.

Pero ayon sa korte, idadaan pa ito sa regulasyon ng Bureau of Jail Management ang Penology.

Itinuloy naman ngayong Huwebes ang pagdinig sa petition for bail ng bise alkalde sa mga kinakaharap nitong kaso.

Dahil hindi nakadalo si police Supt. Enrico Rigor, team leader ng PNP drug enforcement group na nagsagawa ng search sa bahay ni Marcaida, sumalang sa witness stand ang PDEA agent na nakadiskubre ng 30 pakete ng shabu.

Sinalaysay nito ang naging operasyon at kinumpirma nito na ang mga pakete ng droga na hawak na ebidensya ng prosekusyon ay ang parehong mga pakete ng shabu na nasabat nito noong isinagawa ang raid.

Kinuwestyon naman ng kampo ni Marcaida ang PDEA agent dahil sa teknikalidad ng chain of custody ng mga ebidensya.

Nakatakdang ituloy ang petition for bail sa Abril 18 at uupo sa witness stand si Rigor.

Setyembre 4, 2017 nang ikasa ng mga awtoridad ang search operation sa tahanan ni Marcaida kung saan nadiskubre ang mga pakete ng shabu, baril at mga pasabog.

Nahaharap ang bise alklade sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, illegal possession of firearms and ammunition, at illegal possession of explosives.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.