PNPA graduation: House and lot sa valedictorian; alok ng kasal sa kadete

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 12:05 AM | Updated as of Dec 12 2018 12:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Lalong matamis ang tagumpay ng nanguna sa graduation ng Philippine National Police Academy (PNPA) Maragtas Class of 2018 sa Silang, Cavite nitong Miyerkoles dahil sa house and lot na handog sa kaniya. 

Nasorpresa ang valedictorian na si Police Cadet Fritz John Vallador nang bigyan siya ng house and lot sa Bacolod City.

Bukod dito, binigyan din siya ng presidential Kampilan award at 9 millimeter Jericho pistol. 

Hindi nakadalo sa pagtatapos ang ina ni Vallador na isang domestic helper sa Spain.

Pero naroon ang mag-asawang Edwin at Nelia Deocares na kumupkop at umaruga kay Vallador. 

Naluha ang nanay-nanayan ni Vallador nang ialay ng bagong graduate ang kaniyang tagumpay sa mga tumayong ikalawang magulang niya.

ENGAGED ANG KADETE

Nangibabaw din ang pag-ibig sa PNPA graduation nang biglang alukin ng kasal ang isang kadete.

Laking gulat ng bagong graduate na si May Ann Bijuna nang biglang sumulpot ang nobyong miyembro ng Special Action Force at ayain si Bijuna na maging misis niya.

Agad namang um-"oo" si Bijuna.

Kuwento ng kaniyang nobyo, nagkunwari pa siyang may iba nang napupusuan kaya't bago ang marriage proposal ay galit sa kaniya si Bijuna. 

DUTERTE AT ROBREDO

Dumalo sa pagtatapos sina Pangulong Rodrigo Duterte at Bise Presidente Leni Robredo.

Biniro pa ni Duterte si Robredo na sa ikatlong pagkakataon sa loob ng apat na araw ay nagkasama sila sa isang entablado. 

Magkasama rin kasi sila sa PMA graduation rites sa Baguio noong Linggo at sa anibersaryo ng Philippine Army sa Taguig nitong Martes.

"This is the third time that I have greeted you, my lady... Sana po may graduation pang iba para magkita pa rin tayo. I love to see my vice president," ani Duterte.

Sa 106 na graduates ng PNPA, 76 ang mapupunta sa Philippine National Police, 13 sa Bureau of Jail Management and Penology, at 17 sa Bureau of Fire Protection.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.