Pasyente na magpapa-dialysis patay sa salpukan ng ambulansiya at SUV

Jenel Baclay, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 11:17 AM | Updated as of Feb 05 2020 06:18 PM

Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang sakay ng ambulansiyang ito matapos na sumalpok sa isang SUV sa intersection ng Barangay Jibao-an sa Mandurriao, Iloilo City, Marso 22, 2018 ng madaling araw. Jenel Baclay, ABS-CBN News

ILOILO CITY – Patay ang dalawang sakay ng ambulansiya matapos na makabanggaan ang isang SUV sa intersection ng Barangay Jibao-an Norte sa Mandurriao, Huwebes ng madaling araw.

Nakatakdang magpa-dialysis sa Western Visayas Medical Center si Ramon Sampani, ang pasyenteng lulan ng ambulansiya, kasama ang asawa nitong si Rosalene nang mangyari ang insidente.

Dead on arrival sa naturang ospital ang mag-asawa.

Watch more in iWantTFC

Ayon sa pulisya, nag-overtake umano ang isang Chevrolet Trailblazer sa isang pick-up bago sumalpok sa ambulansiya ng munisipalidad ng San Miguel.

Nahirapan naman ang rescuers na alisin sa nawasak na ambulansiya ang driver nito at isa pang kasamahan.

Tumanggi ring magbigay ng pahayag ang driver ng SUV pero nanindigan siyang ang ambulansiya ang may kasalanan sa aksidente. 

Pansamantalang ikinulong sa Mandurriao Police ang driver ng SUV, na napag-alaman ding lasing. Nahaharap siya sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.

-- May ulat ni Bea Zaragosa, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.