PANOORIN: Pagsagip sa pamilyang 3 araw nagpalutang sa dagat

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 09:47 AM | Updated as of Mar 22 2018 09:49 AM

 

CAGAYAN DE ORO – Nakuhanan ng video ang aktuwal na pagsagip sa tatlong miyembro ng isang pamilya na tatlong araw nagpalutang-lutang sa Bohol Sea.

Sa video na nai-post ng Marino PH sa kanilang Facebook page, makikita ang paglalayag ng mga marino sakay ng tugboat na MTUG Atria ng Harbor Star Shipping Services Inc. sa Bohol Sea papuntang Cagayan de Oro, Lunes ng hapon.

Ilang sandali pa'y makikita ang isang lalaki kasama ang 2 bata na palutang-lutang sa dagat gamit lang ang mga lalagyan ng tubig at kahoy.

Inihagis nila ang lifebuoy ring at ginayak paakyat sa barko ang tatlo.

Kinilala ang mga ito na sina Ascale Melcarane, 60-anyos at mga anak na babae na 12 at 5 taong gulang.

Naglayag umano sila mula Bato, Leyte noong Biyernes pauwi sana sa Surigao City pero winasak ng malalakas na alon ang kanilang pump boat.

Noong Lunes ng gabi ay nasagip rin ng mga mangigisda ang anim nilang kasamahan malapit sa Isla ng Camiguin.

Ito ay sina Sahari at Elmira Barani at apat nilang anak na 12, 5, 3 at 1-taong gulang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.