'P20-B kailangan sa rehabilitasyon ng 1.3 milyong drug users'

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 11:13 PM

Tinatayang nasa P20 bilyon ang kailangan para sa rehabilitasyon ng nasa 1.3 milyong drug user na sumuko sa kasagsagan ng kampanya laban sa droga ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Iyan ang tantiya ng grupong "The Lost Sheep Initiative," pero anila, hindi kailangang maglabas ng pera ng gobyerno dahil kaya umano itong tustusan ng mga donor at negosyante. 

Ngayon pa lang, nakakolekta na ang negosyanteng si Jose Victor Paterno, katuwang ang ilang paaralan at church-based civic groups, ng P10 milyon mula sa mga "angel investors."

"Ten cities in the greater Manila area will be granted P1 million each, graduating an estimated 100 to 300 dependents per city, in the next three to six months," pagmamalaki ni Paterno. 

Ayon pa kay Paterno, mas maganda rin ang community-based drug rehab kumpara sa Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.

Hindi rin kasi ito nagagamit nang maayos dahil sa ilang issue tulad ng gastos sa maintenance. Nasa P1.4 bilyon ang nagastos dito mula sa donasyon galing sa China.

Ayon naman kay Rhodel Sermonia na hepe ng PNP-Community Relations Group, kailangan talaga ng gobyerno ang suporta.

Hangad ni Paterno na hikayatin ang mga local government unit na gawing mas maayos ang kanilang community-based drug rehabilitation programs para makakuha sila ng grant mula sa multilateral organizations tulad ng Japan International Cooperation Agency at US Agency for International Development.

Para sa impormasyon kung paano makatulong, puwedeng hanapin ang "The Lost Sheep Initiative" sa Facebook.
    
--Ulat ni Warren De Guzman, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.