Miyembro umano ng vigilante group sa Maynila, arestado

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 01:51 AM

Arestado nitong Miyerkoles ang itinuturing na no. 2 most wanted sa Maynila na umano'y sangkot sa serye ng summary execution sa lungsod.

Sa bisa ng search warrant na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 48, dinampot ng pinagsamang puwersa ng Manila Police District at Criminal Investigation and Detection Group si Manuel Murillo sa Taft Ave., Ermita.

Ayon kay Chief Insp. Rosalino Ibay, hepe ng District Intelligence and Operation Unit ng MPD, nahirapan ang pulisya sa paghahanap sa suspek na mahigit 2 buwan ding isinailalim sa mabusising surveillance bago natunton.

Si Murillo ang sinasabing nasa likod sa pagpatay sa 16-anyos na si Charlie Salagada na natagpuang palutang-lutang sa dalampasigan ng Isla Puting Bato sa Tondo noong nakaraang taon.

Miyembro umano siya ng isang vigilante group nag-o-operate sa Maynila na sangkot sa pamamaslang ng ilang hinihinalang drug pusher.

Si Murillo ay dating miyembro ng Confederate Sentinel Group, isang barangay peacekeeping action team at force multiplier group ng Philippine National Police.

Si Murillo ay pansamantalang nakakulong sa MPD Integrated Jail.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.