Lolang nasawi sa naaksidenteng bus, 'iniligtas' ang mga apo

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 09:04 PM

Itinuturing na bayani ang 64 anyos na si Lolita Bayle matapos umanong ibuwis ang kaniyang buhay para maligtas ang kaniyang mga apo sa gitna ng aksidenteng kinasangkutan ng Dimple Star bus noong Martes. Kuha ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Unang bakasyon sana ng 64 anyos na si Lolita Bayle sa bahay ng kaniyang anak na si Rechelyn sa Angeles City, Pampanga. 

Kasama ni Lolita na bumiyahe ang isang anak na si Madelyn, tatlong apo, at ang mga magulang ng nobyo ni Rechelyn.

Sumakay sila sa isang Dimple Star bus na biyaheng San Jose, Occidental Mindoro papuntang Sampaloc, Maynila.

Pero nahulog noong Martes ng gabi ang bus sa isang bangin sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro, na ikinasawi ng 19 katao, kabilang si Bayle. 

Kaya ang dapat sanang bakasyon ay nauwi sa pagluluksa.

Nakaligtas naman sa insidente ang mga apo.

Kuwento ng mga apo sa kanilang mga magulang, nang mag-panic ang mga pasahero, niyakap na sila ng kanilang lola para proteksiyonan.

"Sabi niya 'di bale na lang na siya, huwag lang iyong mga apo niya," kuwento ni Rechelyn.

Isa sa nakaligtas na bata ay ang limang taong gulang na anak ni Vanessa. 

"Pinaghahalikan daw niya tig-isa-isa, [sinabihang] gumapang," kuwento ni Vanessa, na nagpapasalamat sa ginawang pagligtas ng kaniyang ina. 

Nakalabas na rin ng ospital ang isa pang apo ni Lolita na isang taong gulang lang. 

Nananatili naman sa ospital si Madelyn at idinadaing pa rin ang pananakit ng katawan. 

"Nakaidlip kasi ako tapos no'ng nagsigawan 'yong mga tao, bigla akong namulat, tapos pagewang-gewang 'yong bus," ani Madelyn.

Isa rin sa mga niligtas ni Lolita ang 13 anyos na anak ni Madelyn, na inilipat sa isang ospital sa Batangas.

TULONG

Nais naman ng lokal na pamahalaan ng Sablayan na matiyak na magbibigay ng tulong ang pamunuan ng Dimple Star sa kaanak ng mga nasawi.

"Bukod doon sa insurance, talagang may bukod na tulong bilang responsibilidad ng may-ari at kompanya," ani Sablayan Mayor Ed Gadiano.

Tiniyak naman ni Atty. Rene Grapilon, legal counsel ng Dimple Star Transport, na ibibigay ng kompanya ang lahat ng pangangailangan ng kaanak ng mga biktima.

"Basta lahat ng kailangan nila, iyon ang mandato sa amin ng Dimple Star na sagutin lahat," ani Grapilon.

Hindi pa alam ng kaanak ng mga biktima ang susunod na hakbang.

Mahalaga anila'y makapagluksa muna sila sa biglang pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay.

Watch more in iWant or TFC.tv

INSPEKSIYON

Samantala, tinitingnan ng mga awtoridad bilang sanhi ng aksidente ang "loose brake" o sirang preno.

"Nakikita naming cause ay loose brake kasi 'yong sinasabi ng iba na nawalan ng giya, malabo eh," ani Senior Inspector Edgardo Lim, hepe ng Highway Patrol Group (HPG) sa Occidental Mindoro.

Kasama ng mga tauhan ng HPG ang mga kinatawan mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Philippine National Police (PNP) na sinuri nitong Huwebes ang lugar na pinangyarihan ng aksidente.

Kinuha naman ng LTFRB ang chassis number ng bus na magagamit sa Abril sa pagdinig ng ahensiya hinggil sa insidente.

"'Yon ang pinaka-basis kung ano iyong year model kas igusto nilang malaman kung anong year model, kung ito ba ay dilapidated (bulok) na," paliwanag ni Errol Vala mula sa LTFRB.

Sa pahayag naman ng Palasyo, sinabi nitong hindi lusot ang mga opisyal ng LTFRB sa malagim na aksidente.

"Hintayin muna natin kung ano talaga ang magiging resulta ng imbestigasyon. Kung ito'y resulta ng kapabayaan ng mga taong gobyerno, siyempre, mayroon na namang masisibak," sabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Magugunitang hindi ito ang unang pagkakataong nasangkot sa aksidente ang Dimple Star na ikinasawi ng mga pasahero nito.

Hulyo 2011 nang masawi ang tatlong pasahero matapos mahulog mula sa Skyway sa Sucat Exit ang isang Dimple Star bus.

May tatlo pang aksidenteng kinasangkotan ang naturang bus na naitala mula 2013 hanggang 2014, kung saan apat ang patay at 58 ang sugatan.

Iginiit ng Palasyo na nasa kamay ng LTFRB ang pagtiyak na maayos ang maintenance ng mga bibiyaheng bus para maiwasan ang mga aksidente. -- Ulat nina Dennis Datu at Paulo Ferrer, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.