Hardware store, nilooban; mga kawatan, dumaan sa kanal

Randy Menor, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 04:45 PM

LAOAG CITY - Napasok ng mga magnanakaw ang isang hardware store sa lungsod na ito.

Nadiskubre na lamang na nanakawan ang Newton Hardware sa Barangay Nangalisan-A nang magbukas sila Huwebes ng umaga.

Nabutas ang flooring ng tindahan na pinaniniwalaang dinaanan ng mga salarin. Apat ang salarin na pare-parehong nakatakip ang mukha. Nakuanan ng CCTV camera ang pagnanakaw.

Nawawala ang mahigit P100,000 pesos at mga ibat-ibang klase ng tools.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dumaan ang mga kawatan sa kanal sa harap ng nasabing tindahan.

Dumaan sila sa ilalim sa pamamagitan ng paghukay ng kanilang dadaanan na aabot sa 10 metro.

"Posible na mahigit isang araw sila na nasa ilalim. Talagang plinano nila ito. Ngayon lang may nangyari na ganito sa aming lugar," ani Barangay Chairman Gilbert Martillano.

Madali lamang umanong nakapasok ang mga salarin dahil walang guardiya ang nasabing gusali, ayon sa mga pulis.

Kinumpirma ng pulisya na nakuhanan ng CCTV ang nasabing pagnanakaw pero hindi pa ipinapakita sa media habang nagsasagawa pa sila ng imbestigasyon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.