CBCP: Divorce bill hindi para sa mahihirap

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 08:17 PM

Hindi naniniwala ang Simbahang Katolika na 'pro-poor' o para sa mahihirap ang divorce bill.

Ayon sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), mas dadami lang umano ang mga mag-asawang maghihiwalay kapag naisabatas ito. 

Pinapayagan na rin naman umano ng simbahan na maghiwalay ang mag-asawa kapag may nangyaring pang-aabuso o pagtataksil, ayon kay Fr. Jerome Secillano, executive secretary ng CBCP.

Ngunit ang mga grupong nagsusulong ng divorce bill tulad ng Gabriela, inspirasyon umano ang mga taong naiipit sa hindi magandang relasyon.

Si alyas 'Ed,' tatlong taong kasal sa asawa noon nang nalamang may ibang karelasyon pala ito.

Alam ni Ed na mahaba at mahal ang proseso ng pagpapa-annul kaya nagtitiis muna siya habang nag-iipon para sa pagpapawalangbisa ng kanilang kasal. 

Si alyas 'Minet' naman, tiniis ang umano’y pananakit at pambubugbog ng kaniyang mister ng 15 taon.

Nakabuntis pa raw ito ng iba habang sila'y nagsasama.

Ayon kay Minet, matutulungan ang mga tulad niyang battered wife na makalaya sa isang mapang-abusong relasyon kapag naging legal ang divorce. 

Pero habang nagbubunyi ang pro-divorce advocates dahil sa pagkakapasa ng panukala sa Kamara, tila walang tsansang umusad ang usapin ng diborsiyo sa Senado sa ngayon.

Bukod kasi sa wala pang nakabinbin na divorce bill sa Senado, kailangan pa umano ng mahabang konsultasyon sa iba't-ibang sektor bago makapagdesisyon ukol dito.

--Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.