Bato sa anak na tagilid sa 2 PNPA subjects: 'Uwi na tayo kung ayaw mo na'

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 08:06 PM | Updated as of Feb 05 2020 06:25 PM

Watch more in iWantTFC

Handa ang hepe ng Philippine National Police (PNP) na pauwiin na lang sa Davao ang anak na aniya'y bumagsak sa dalawang subject sa PNP Academy.

Kuha kay Rock dela Rosa nang mag-Cadet Admission Test noong 2016.

Ayon kay PNP chief Director General Ronald "Bato" dela Rosa, kailanma'y di niya pinilit ang anak na si Rock na pumasok o manatili sa PNPA.

"Naramdaman ko, mukhang napapagod na, pero sabi ko nga 'anak, hindi kita pinipilit dito na tumuloy... pero 'pag mag-quit ka, you are very much welcome. Uwi na tayo kung ayaw mo na. Hindi kita pinipilit dito dahil ayaw kong mahihirapan ka'," ani dela Rosa sa panayam ng programang "Dos Por Dos" ng DZMM.

Hindi naman sigurado si dela Rosa kung ano ang dalawang asignaturang hindi naipasa ni Rock.

Pero aniya, parang "communications" ang isa sa mga naturang subject.

"'Anak, mukhang kayang-kaya ko 'yan'," pabirong hirit ng PNP chief.

Kakailanganing dumaan at pumasa sa "removal" exams ni Rock para hindi maligwak sa PNPA.

Ayon kay dela Rosa, maging siya noo'y umulit ng math subject noong nag-aaral pa siya sa Philippine Military Academy.

"Sabi naman niya, 'Dad, kayang-kaya ko 'to. Pabayaan mo lang ako dito. Kayang-kaya ko,'" sabi ni dela Rosa.

Una nang kumuha ng kursong business administration si Rock bago nagdesisyong maging pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.