Anak ni 'Bato', tagilid ang lagay sa PNPA

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 04:18 PM

Inamin ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald "Bato" Dela Rosa na may mga subject ang anak na si Rock sa PNP Academy (PNPA) na tagilid nang maipasa.

Ayon kay Dela Rosa, nasa dalawang subject ang nanganganib na ibagsak ng kanyang anak na lalaki.

"Sabi ko nakakahiya ka naman mag-removals ka, eh degree holder ka na, grumadweyt ka na ng college prior to entering the academy," ani Dela Rosa sa isang press conference.

Sa kabila nito, inamin ni Dela Rosa na naiintindihan niya ang pinagdadaanan ng anak.

"Eh iba ang pressure, I understand the situation. Iba ang pressure sa civilian universities, iba ang pressure sa police academy. Ibang-iba talaga," aniya.

Dagdag pa ni Dela Rosa, pinayuhan na lamang niya ang anak na mag-aral nang mabuti.

"What I can do is just to give him the advice na magreview ka nang husto para makapasa ka," aniya.

Kung sakali umanong ma-dismiss ang anak sa PNPA ay pababalikin na lamang niya ito sa Davao.

"Kung hindi ka makapasa then madismiss ka, then sorry, uwi ka sa Davao," ani Dela Rosa.

Pumasok si Rock sa PNPA noong nakaraang taon para sumunod sa yapak ng kanyang ama.

Una nang kumuha ng kursong Business Administration si Rock ngunit nagdesisyong maging pulis. - ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News