ALAMIN: Biyahe ng LRT, MRT, PNR sa Semana Santa

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 09:55 PM | Updated as of Dec 14 2018 12:11 AM

Watch more in iWant or iWantTFC


    
Kasunod ng malagim na pagdausdos ng Dimple Star Bus sa bangin sa bayan ng Sablayan, Occidental Mindoro noong Martes, nagpayo ang mga sangay ng Department of Transportation (DOTr) na maaga pa lang ay siguruhin nang ligtas ang bawat unit na bibiyahe ngayong Semana Santa. 

Mahigit 1,000 bus na ang nabigyan ng special permit para bumiyahe ngunit dadaan pa ang mga ito sa mas masusing inspeksiyon.

"Mahigpit namin ipinagbibilin is that 'yung pagche-check ng sasakyan to find out their road worthiness ay gawin hindi dun sa time na magbibiyahe na, kung hindi many days ahead," paalala ni Land Transportation Office (LTO) Chief Edgar Galvante.

Dahil inaasahang kaunti lang ang tao sa Maynila, wala namang biyahe ang LRT-1 at LRT-2 simula Marso 29 hanggang Abril 1.

Wala ring operasyon maging ang MRT-3 at bus augmentation service nila simula Marso 28 hanggang Abril 1.
    
Ang PNR, suspendido rin ang biyahe simula Marso 29-30 pero may special operations sila sa Marso 31 ng gabi.

Gagamitin ng mga railway ang mga araw na ito para ayusin nang maigi ang mga tren.

"Hindi po ito tulad ng normal Holy Week schedule. Inagahan po namin ng isang araw para mabigyan kami ng enough time to do our maintenance for our LRVs (light rail vehicles o bagon), rails, and depot equipment po. Dun naka-focus ang aming 5-day program," ani MRT-3 Director for Operations Mike Capati.
    
Naka-heightened alert na rin ang mga pantalan at paliparan.

Payo naman ng transport officials sa mga pasahero, mag-book at magplano ng biyahe nang maaga para iwas-aberya ngayong Semana Santa. 

Pagbabago sa NAIA

Samantala, kung dati ay nasa "top 20 world's worst airports" ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ngayon naman ay kinilala ito bilang ika-10 sa listahan ng "world's most-improved airports.

Naging malaking improvement daw sa airport ang mga palikuran, pagkakaroon ng upuan para sa mga pasahero, at ang pagkakabura ng issue ng tanim-bala.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.