37 establisimyento sa Panglao, Bohol, sobrang lapit sa baybayin

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 04:24 PM | Updated as of Dec 13 2018 03:57 PM

Walang nakitang lumabag sa Clean Water Act, pero nasa 37 establisimyento ang lumagpas sa 20-meter easement zone sa baybayin ng Panglao, Bohol. 

Ito ang lumabas nitong Martes sa pagsusuri sa mga sewerage system ng resorts sa Panglao, kung saan sinukat kung pasok sa 20-meter easement zone ang mga establisimyento sa baybayin. 

Pinangunahan nina Department of Environment and Natural Resources Secretary Roy Cimatu at National Economic and Development Authority Director General Ernesto Pernia ang inspeksiyon sa isla.
    
Bibigyan ang 37 establisimyento ng violations notice at mayroong tatlong buwan para iatras o tapyasan ang kanilang mga gusali.

Pumayag ang mga manager at resort owners na gibain ang bahagi ng kanilang gusali na lumagpas sa easement kahit nagtataka sila dahil nag-iba umano ang sukat mula sa dagat.

Noong Pebrero, sinabi ni Cimatu na isusunod sa clean-up ng Boracay ang Panglao.

Pero ayon sa kalihim, malayong matulad ito sa Boracay.

"The good thing is that they were really very receptive of our request for them," ani Cimatu.
    
"If this problems are not addressed at this level, the problems will get much worse and more difficult to address," sinabi naman ni Pernia.

Nangako naman ang lokal na pamahalaan na mahigpit nilang imo-monitor ang isla para matiyak na walang lalabag sa environmental law.
    
--Ulat ni Annie Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.