2 lalaki patay nang tumakas sa Oplan Sita

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2018 10:14 PM | Updated as of Feb 05 2020 05:18 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang dalawa umanong armadong lalaki matapos makaengkuwentro ng Urdaneta City Philippine National Police (PNP) sa Urdaneta City, Pangasinan nitong Huwebes ng madaling araw.

Sa kuha ng CCTV ng Barangay Nancamaliran West pasado ala-una ng madaling araw, makikita ang paghabol ng mga pulis sa isang motorsiklo na may sakay na dalawang lalaki.
    
Ayon sa PNP, hindi huminto ang motorsiklo nang parahin para sa 'Oplan Sita.'

"Dire-diresto 'yung takbo nila at nagpaputok pa ng baril," ani Senior Inspector Rollyfer Capoquian. 

Pagkatapos ng kalahating oras na habulan, naabutan ang dalawang lalaki sa bakanteng lote sa karatig barangay. 
    
Nakipagpalitan pa umano sila ng putok sa mga pulis.
    
Napatay ng mga pulis ang dalawa.
    
Nakuha sa tabi ng mga bangkay ang kalibre .45 na pistol, kalibre .38 na revolver, at apat na sachet ng hinihinalang shabu.

Ayon kay Capoquian, maaaring sangkot sa drug trade sa siyudad ang dalawang lalaki.

Inaalam pa kung may kinabibilangang grupo ang dalawang napatay.
    
--Ulat ni Patricia Mendoza, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.