Traffic enforcer, patay sa pamamaril ng motorista

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2017 10:09 AM | Updated as of Mar 29 2017 07:38 PM

Patay ang isang traffic enforcer sa Pasay matapos barilin ng driver ng isang sports utility vehicle na sinita ng kanyang kasama dahil sa paglabag ng batas-trapiko, Martes.

Nabaril ang biktimang si Noel Lunas nang habulin niya ang driver ng SUV na tumakas matapos sitahin sa Roxas Boulevard.

Kwento ng kanyang kasamahan na si Joey De Chavez, "Mayroon pa siyang (suspek) nakaalitan bago ko sinita. Nagkaroon sila ng diskusyon ng isang sasakyan na Montero na itim. Pagtapos nila, nakita ko galit na galit siya. Binuksan ko bintana, talagang namumula siya."

"Sabi sa akin, 'Pamangkin ako ng general, tapos takbo na,'" dagdag ni Chavez.

Nakita ni Lunas ang insidente at hinabol ang SUV hanggang sa kalapit na barangay.

Sa kuha ng CCTV, makikitang huminto sila sa tapat ng mosque sa Park Avenue, kung saan binuksan ng driver ng SUV ang kanyang pinto at binaril si lunas.

Nagsitakbuhan palayo ang mga naglalakad sa kalsada habang tumakas ang suspek at kasama nitong babae.

Tinutugis na ng mga pulis ang suspek na posibleng maharap sa kasong murder.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.