Mga tsuper ng PUV, kailangang sumailalim sa seminar simula sa Mayo

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2017 09:03 PM

MANILA – Simula sa Mayo, kailangan nang sumailalim sa isang seminar ang mga tsuper ng public utility vehicles (PUV), kundi ay pagbawalang silang humawak ng manibela.

Driving academy umano ang plano ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para madisiplina ang mga driver, at para na rin maiwasan ang mga dumaraming aksidente sa kalsada. 

Marami sa mga aksidente nitong mga nakaraang buwan ay pwede sanang naiwasan kung mayroon lang tamang kaalaman ang mga driver ayon sa mga otoridad.

Ayon din sa LTFRB, napatunayan na nilang kulang na kulang sa kaalaman o pag-intindi sa basic driving rules and regulations ang mga tsuper ng bus, jeepney, taxi at iba pang pampublikong sasakyan. 

“Hindi nga [nila] alam kung ano [ang] basic road signs...Sa isang hearing, tinanong ni chairman kung saan ang north, hindi alam nung driver na naka-aksidente,” ani Aileen Lizada, board member ng LTFRB.

May tricycle din daw na namataang nag-u-turn sa pedestrian lane.

Nagkasundo ang LTFRB, Land Transportation Office (LTO), at Department of Transportation (DOTr) na isailalim sa pagsasanay ang mga tsuper bago pa sila maging dahilan ng aksidente.

Isang araw lang naman umano ang seminar na sa tanggapan ng LTFRB gagawin.

Matapos ito, kailangan nilang kumuha ng ID card bilang patunay na pasado sila sa driving academy.

Aatasan umano ng LTFRB ang mga PUV operator na hanapan ng academy ID ang kanilang mga driver.

“Magkakaron na tyo ng database, pagkatapos para malalaman na natin sinu-sino ba ang blacklisted o pasaway na driver. Marami kasi, pagkatapos makaaksidente, lilipat lang sa iba (operator), tapos drive na naman,” ani Lizada.

Kapag naka-aksidente o masangkot sa traffic violation ang driver na walang academy ID, sabit pati ang operator.

Mayroong isang buwan bago makapag-exam ulit ang mga bumagsak, at libre naman ang review sa LTO. Pero sa mga nakapasa, diretso agad sa actual driving test.

Ayon sa LTFRB, malamang isunod na rin ang traffic refresher courses para sa mga pribadong sasakyan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.