Kaso ng pagkawala ng isang lalaki, maaaring 'mistaken identity': pulisya

ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2017 05:50 PM

MANILA – Hindi pa rin malinaw sa pamilya ng isang 20-anyos na lalaki kung bakit at ano ang motibo sa likod ng pagdukot dito sa may IBP Road sa Barangay Batasan sa Quezon City.

“Wala po akong idea,” tugon ni Kate Olili, ang misis ni Chito Lorenzo Lopez IV.

Ayon kay Olili, matapos na bumili ng gamot para sa may sakit na anak si Lopez ay nagpaalam itong sisilip lamang sa basketball court kung nasaan ang kanyang nakatatandang kapatid.

“Parang limang minuto lang po may tumakbo na sa bahay, nadampot si Renzo...mga naka van, naka-bonnet,” kwento ni Olili.

Ika-14 ng Marso nang damputin si Lorenzo, pero hanggang ngayon ay wala pa ring impormasyon ang pamilya nito at ang pulisya.

“Kulang pa po ang ating mga leads at humihingi tayo ng tulong sa sinumang maaaring may impormasyon regarding this para ipagbigay-alam sa atin para makatulong sa ating investigation,” sabi ni Chief Superintendent Guillermo Eleazar, District Director ng Quezon City Police District.

Wala umanong plaka ang van kung saan isinakay si Lorenzo. Patuloy naman ang pulisya sa pagimbistiga sa kaso.

“Ito po ay tuloy-tuloy nating iniimbistigahan at hahanapan natin ng kasagutan sa pagkawala ni Lorenzo,” sabi pa ni Eleazar.

Pero ayon kay Eleazer, inaalis na nila ang anggulong drug-related sa pagkawala ni Lorenzo.

“Base sa initial assessment, wala naman po. Marami po tayong kino-consider…mistaken identity o meron iba siguro may galit sa kanya…ito lahat ay tinitingnan natin,” dagdag ni Eleazar. 

Nakipag-koordinasyon na rin ang QCPD sa kalapit na unit ng pulisya upang makakalap ng impormasyon hinggil sa kaso.

“While it is true na walong araw na ang nakalipas at andyan ang agam-agam, tayo ay umaasa pa na may kasagutan sa pangayayari,” ani Eleazar.

Huling nakita si Lorenzo na nakasuot ng stripes na pula at puting t-shirt at naka gray na pambahay na shorts at naka-tsinelas.

“Kung sinuman ang kumuha sa kanya, nagmamakaawa kami na ibalik na lang siya sa amin. At kung sakali man na may ginawang atraso sa kanila ang anak ko, humihingi kami ng tawad, sana patawarin na lang nila at ibalik sa amin alang-alang na po sa anak niya,” pahayag ng ina na si Rosalie Lopez.

Ganito din ang pagsusumamo ng asawa ni Lorenzo sa mga taong nasa likod ng pagdukot.

“Sana po ibalik nyo po siya ng buhay sa amin. Kung may atraso po siya, patawarin nyo na lang po. Maawa naman po kayo sa anak niya kasi halos araw-araw siyang hinahanap,” sabi ni Olili.

Hinikayat naman ni Eleazar ang kung sino man ang makapagbibigay ng kahit anong impormasyon na makakatulong sa kanilang imbestigasyon na mag text o tumawag sa kanilang hotline na 09276441971.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.