Assistant principal, natagpuang patay sa Iloilo

Nony Basco, ABS-CBN News

Posted at Mar 22 2017 04:17 PM

MAASIN, Iloilo - Kinilala na ng pulisya ang bangkay ng isang lalaki na natagpuan sa tubuhan sa Barangay Naslo, sa bayan ng Maasin, Iloilo Miyerkules ng madaling araw. 

Bagamat hindi pa inilabas ng pulisya ang pangalan ng biktima, ito umano ay isang assistant principal ng isang high school sa Cabatuan, Iloilo. 

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives, napag-alaman na pinatay ang biktima sa pamamagitan ng paghampas ng bato sa kanyang ulo. 

Narekober ng mga otoridad ang mga malalaking bato na may bakas pa ng dugo sa tabi ng bangkay ng biktima. 

Ayon kay Barangay Kagawad Juan Subang, nakarinig ng tahol ng mga aso ang mga residente sa lugar bandang alas-onse kagabi. At kaninang umaga, natagpuan ang bangkay ng biktima sa tubuhan. 

Inaalam pa ng mga pulis kung sinu-sino ang mga huling nakasama ng biktima. Hindi pa rin maliwanag kung ano ang motibo sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.