30 sugatan sa karambola ng 4 sasakyan sa Elliptical Road

ABS-CBN News

Posted at Mar 23 2017 07:37 AM

Hindi bababa sa 30 ang nasugatan sa karambola ng 4 na sasakyan sa Elliptical Road sa Quezon City, Huwebes.

Kabilang sa mga nasangkot sa aksidente sa eastbound lane ang 2 kotse, isang taxi at isang pamapaseherong bus na tumaob sa lakas ng banggaan.

Ayon sa ilang saksi, binabagtas ng taxi ang Elliptical Road nang biglang sumulpot ang isang Honda Civic galing sa Quezon Avenue.

Nagpreno ang taxi habang dumiretso ng takbo ang kotse at bumangga sa likuran at kanang bahagi ng Precious Grace bus na nasa inner lane.

Nagpaikot-ikot ang bus at bumangga sa isa pang Honda Civic bago tuluyang tumagilid.

Nasugatan sa insidente ang 30 indibidwal -- nasa 5 sa kanila ang sakay ng taxi at 2 kotse habang ang iba pa ay mga pasahero ng bus, ayon sa Disaster Risk Reduction and Management Office.

Karamihan sa mga biktima ay dinala sa East Avenue Medical Center habang ang ilan ay isinugod sa Quirino Memorial Medical Center.

Walo sa kanila ang kinailangang operahan matapos mabalian ng buto at mawakwak ang bahagi ng katawan.

Kasama sa mga nasugatan ang hinihinalang bus driver na si Jonathan Medina, 41 anyos, na nasugatan sa bumbunan at nabalian ng buto.

Ikinuwento naman ng ilang pasahero ng bus na galing sa San Jose del Monte sa Bulacan na matulin ang kanilang takbo pati na ng kotseng sumalpok sa kanila.

Agad naialis sa daan ang taxi at 2 kotse pero kailangan pang hatakin ng tow truck ang bus pasado alas-6 ng umaga.

Bahagyang nagsikip ang trapiko sa lugar dahil sa insidente.

-- May mga ulat nina Zhander Cayabyab, DZMM at April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.