PatrolPH

Laptop ng MRT-3 passenger nayupi umano sa x-ray machine; pamunuan sumagot

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2023 07:35 PM

Watch more News on iWantTFC

MANILA -- Viral ngayon sa social media ang post ng isang pasahero ng MRT-3 kung saan ikinuwento niya na nasira sa x-ray machine ang kaniyang laptop. 

Kuwento ng pasahero na si Allana Columbres, alas-9 ng gabi ng Marso 15 ay nakasilid ang laptop niya sa kaniyang bag sa tray ng x-ray machine ng MRT-3 Taft Station. 

Pahiga niyang ipinasok ang bag niya sa loob ng x-ray machine dahil sa laptop niya, at may kasunod siyang pasahero na isiniksik ang bag sa bag ni Columbres. 

Maya-maya ay may narinig na silang malakas na tunog. Iyon pala, nasira na ang kaniyang laptop. 

Pero ang hindi niya matanggap, pinag-tingninan lang umano siya ng mga guwardiya habang makaalis ang taong sumunod sa kaniya na nagsiksik ng bag. 

Imbis umanong tulungan, nagbilin lang sa megaphone ang MRT na ingatan ng ibang pasahero ang kanilang gamit. 

Walang nagawa si Columbres kung 'di mapaiyak sa nangyari. Bukod kasi na ito lang ang gamit niya sa eskuwela, ito ang regalo ng kaniyang ama sa kaniyang kaarawan Hulyo 2022. 

"'Yung iyak ko po hindi lang yung iyak na luha lang talag ahumahagulgol po ako and everyone was looking at me yung mga dumadaan po na fellow passengers ko nakikita po nila ako yung guards po parang invisible po ako sa kanila," ani Columbres. 

"Tinalikuran nila ako and ayun nga po tinitignan nila ako parang peripheral ako tinignan nagannounce sila sa mga pasahero po na ilagay niyo po ng maayos para hindi kayo matulad tapos paang nire-refer nila ako sa megaphone," dagdag niya. 

Sa ngayon, nanghihiram si Columbres ng laptop, pero nais niya sanang mabigyan ng sapat na compensation dahil sa insidente. 

Sumula si Columbres sa pamunuan ng MRT-3, at sinagot din siya sa Twitter na iimbestigahan na ang insidente. 

Sa isa namang hiwalay pang pahayag, sinabi ng MRT-3 na hindi umano sila nasabihan na may lamang laptop ang bag, kaya hindi nailagay sa hiwalay na tray ang gadget bago ilagay sa conveyor belt. 

"The CCTV positioned at the x-ray scanner counter captured Ms. Columbres proceeding to place her backpack on the conveyor belt of the x-ray scanner," anila. 

Dagdag nila: "The security guards on duty, however, were not informed that the backpack contained a laptop. Hence, the electronic gadget was not put on a separate tray before it was placed on the conveyor belt." 

Taliwas din umano sa sinabi ni Columbres ay nakita nila sa CCTV na nasa "upright" position ang laptop. 

May puwang din umano sa pagitan ng bag at ang pasahero na nasa harap niya. 

"Moreover, MRT-3’s x-ray machine operator immediately stopped the x-ray scanner when the jam registered on the monitor, to prevent further pile-up. It was then that Ms. Columbres was able to retrieve her bag," dagdag nila. 

Lumapit na rin umano ang pamunuan kay Columbres para humingi ng paumanhin sa insidente. 

"The MRT-3 assures the public that necessary steps will be taken to bring about improvements in MRT-3 employees’ handling of passenger complaints. Already, MRT-3’s security provider has been instructed to launch a series of customer service training for all security personnel of the rail line."

Nagpaalala ang MRT sa publiko na ingatan ang kanilang bagahe. 

-- Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.