Naghahanda na ang iba't ibang ahensiya ng gobyerno ngayong Iibo-libong pasahero ang inaasahang dadagsa kada araw sa mga terminal papunta at palabas ng Metro Manila sa darating na Semana Santa.
Mahigit 700 special permits ang inilabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board. Kinakailangan na raw kasing dagdagan ang bilang ng mga bus na bibiyahe papunta sa iba't ibang probinsiya para sa 5 araw na long weekend sa Abril.
"Pagka-ganitong season ay nagdadagdag na ang LTFRB ng mga PUVs o mga busses papuntang probinsya para matugunan yung kakulangan at pagtaas ng mga pasahero natin… Ang duration po nito ay magsisimula sa March 31 hanggang April 17," ani LTFRB Technical Division Chief Joel Bolano.
Dagdag ni Bolano, magsisimula nang mag-ikot ang mga kawani ng LTFRB sa mga terminal ng bus sa mga susunod na araw.
"Sisiguraduhin natin na yung mga terminal ng buses ay comfortable at may sapat na facilities na gagamitin," ani Bolano.
Paalala naman ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas President na si Orlando Marquez, paghandaan na ang sarili para sa Semana Santa.
"Ang panawagan natin sa mga driver at operator ay maghanda ng lakas, at tulog at kumain ng tama para makaiwas sa aksidente," ani Marquez.
Inaasahan naman ng Manila International Airport Authority na aabot sa 140,000 pasahero ang dadaan kada araw sa 3 terminal ng Ninoy Aquino International Airport sa Semana Santa.
"Inaasahan natin na napakaraming pasehero ang dadagsa sa NAIA dahil ito ang first Holy Week na bukas ang ating borders domestic at international… Hindi lang ito hanggang April but extended ito hanggang May dahil summer vacation… Marami na rin pong bansa ang nagbubukas ng kanilang borders in the last 3 months," ani MIAA Senior Assistant General Manager Bryan Co.
Maglalagay din ng assistance kiosks at dagdag na CCTV sa iba't ibang bahagi ng paliparan upang masiguro na matutugunan agad ang mga posibleng maging reklamo ng mga pasahero.
-- Ulat ni Katrina Domingo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.