Lumutang na sa Biñan police ang doktor na idinadawit sa fraternity hazing na ikinamatay ng Adamson University student na si John Matthew Salilig.
Matatandaan na sa pagdinig sa Senado kaugnay ng Salilig hazing case, tinanong ni committee chairman na si Sen. Francis Tolentino kung natukoy na ang doktor na tumanggi umanong tingnan ang biktima.
Sa bahagi kasi ng salaysay ng isa sa mga suspek sa National Bureau of Investigation, sinabi nitong humingi umano siya ng tulong sa pinsang doktor ng isa nilang kasama.
Kinumpirma naman ng doktor na siya ang tinutukoy sa pagdinig. Ayon sa kaniya, nasa bahay na siya at nagpapahinga mula sa duty sa ospital nang tawagin ng pinsan para magpasundo.
Hindi pa raw binigay noong una ng pinsan ang lokasyon kung saan ito susunduin, at nang nakausap na niya ay may bigla umanong umagaw ng telepono ng pinsan at nagtanong.
“Noong kausap ko siya parang may nagtanong na kausap ko na kung may tao na mawalan ng malay ano maganda gawin, ano dapat gawin," sabi ng doktor sa ABS-CBN News.
Sa tanong na ito, ayon sa doktor, ipinayo niya na dapat dalhin sa ospital ang pasyente at ikinagulat niya ang pahayag ng isa sa mga suspek sa pagdinig na tumanggi umano siyang tulungan si Salilig.
“Yung reaction ko nung napanood ko nga yung ano, yung hearing nila sabi ko ha? Bakit sinasabi na may doktor daw nakita na harap-harapan yung biktima, which is si Matthew, na hindi tinulungan. So unang-una hindi ko nakita si Matthew at di rin ako bumaba ng sasakyan ko. Sinundo ko lang pinsan ko," aniya .
"Parang taliwas doon sa kwento na lumalabas sa hearing na nasa harapan ko raw yung taong naghihingalo, na hindi ako gumawa ng kahit na anong first aid or medical treatment kasi wala akong nakitang pasyente na nakahandusay.”
Napahagulgol ang kapatid ni John Matthew Salilig nang mahanap ang kaniyang bangkay sa isang bakanteng lote sa Imus, Cavite, Pebrero 28, 2023. Jonathan Cellona, ABS-CBN News
Dagdag pa ng doktor, kung may nagbigay-alam lang sana sa kaniya ng sitwasyon, posibleng ginawa niya ang tungkulin bilang isang doktor.
“Kung nakakita ka ng humihingi ng tulong lalo na kritikal siyempre as a doctor may oath tayo na tutulungan yung nangangailangan. Pero kung nasa danger ka rin, isipin mo rin sarili mo," aniya.
Nakiramay din siya sa mga naiwan ni Salilig.
“Kahit ako nabigla ako sa nangyari, nagalit ako siyempre brotherhood yan eh. Bakit humantong doon yung brotherhood? Kung brother mo 'yan, bakit kailangan humantong sa ganoon," aniya.
Pag-aaralan naman ng Biñan police ang pahayag ng doktor at ikukumpara sa mga testimonya ng mga suspek na hawak nila at hawak ng National Bureau of Investigation.
“He’s not part of the planning, na magkakaroon ng initiation and even he is not there during the initiation rights, so on my personal view kung sa hazing pag-uusapan, wala. Yun lang sigurong alleged hindi niya tinulungan ang ating victim, hard time ni Matthew na pinagdadaanan," ani Biñan police chief Virgilio Jopia.
Handa naman umano ang doktor na humarap sa Senado at magbigay ng pahayag sa NBI kung kinakailangan.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.