PatrolPH

Mga drayber sa Bacolod City, nagsagawa ng 2 araw na transport strike

ABS-CBN News

Posted at Mar 21 2022 03:13 PM | Updated as of Mar 21 2022 07:18 PM

Watch more News on iWantTFC

BACOLOD CITY — Nagkasa ng 2-araw na tigil-pasada ngayong Lunes ang grupo ng driver ng mga pampublikong jeep sa lungsod na ito para manawagan ng mabilisang ayuda sa harap ng pagtaas kamakailan ng presyo ng produktong petrolyo. 
 
Ayon kay Eliizabeth Katalbas ng Federation of Bacolod City Drivers Associations, may mangilan-ngilang tsuper na nagbiyahe pa nang magsimula ang kanilang tigil-pasada nang madaling-araw, pero umuwi rin kinalaunan. 

"Lahat ginagawa namin sa pag-eksplika sa kanila na sana ay samahan na lang kami," ani Albert Villanueva ng Sentrong Samahan ng mga Tsuper at Operators Negros (SSTONE). 

"Ang ginagawa namin na ito ay para naman sa lahat eh kung ano man ang mangyayari sa amin dito kung may benepisyo na makuha kami, ganoon din sa kanila," dagdag niya. 

Bukod sa mas mabilis na pamamahagi ng ayuda, hinihingi rin ng grupo ang pagsuspinde sa value added at fuel excise taxes. 

Tatagal hanggang Martes ng hapon ang tigil-pasada.

Inanunsyo naman ng oil companies ngayong Lunes na matapos ang 11 sunod-sunod na linggong oil price hike, magkakaroon ng malaking bawas sa presyo ng produktong petrolyo sa Marso 22. 

— Ulat ni Angelo Angolo

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.